Ang ‘dollars’ ni Lumeng
NABIYUDA si Lumeng sa edad na 25. Pagluluto at pagtitinda ng puto ang ikinabuhay nilang mag-ina. Hindi na siya nag-asawa at inilaan na lang ang panahon sa pagpapalaki ng anak. Masuwerte naman siya at simula elementarya hanggang kolehiyo ay iskolar ang kanyang anak na si Leo kaya nakatapos ito ng kursong Engineering nang wala siyang nagastos kahit singko.
Si Leo ay sinuwerteng nakapagtrabaho sa America. Nang magtagal ay naging Engineer ito sa NASA (National AeroÂnautics and Space Administration). Buwan-buwan ay pinapadalhan nito nang regular ang kanyang ina ng dollars. Oo, dollars ang ipinapadala niya at hindi peso. Alam niyang hindi pa nakakahipo ng dollar ang kanyang ina at alam niyang ikakatuwa niya ang ideyang iyon. Lumipas ang sampung taon at hindi nagkaroon ng panahon si Leo na makauwi sa Pilipinas. Isang araw ay tumanggap siya ng tawag mula mga kamag-anak sa Pilipinas at ibinalitang patay na ang kanyang ina. Sa isang iglap ay nakauwi siya sa bayang sinilangan.
Ang pinakamahal na kabaong ang pinili ni Leo para sa ina at sa sikat na memorial park siya kumuha ng lote. Isang gabi ay naisipan niyang sa kuwarto ng kanyang ina matulog. Out of curiosity ay binuklat niya ang aparador ng ina. Napakunot ang kanyang noo. Kakaunti lang ang damit ng kanyang ina. Naisip niya, lagi naman siyang nagpapadala ng pera pero bakit tila ang papangit pa rin ng damit nito, kagaya ng mga damit na isinusuot nito noong bata pa siya.
Sa isang sulok ng aparador ay may nakita siyang maliit na wooden box. Binuksan niya ang kahon at nakita niya ang bungkos na dollars. May kasama itong liham.
Leo anak, maliit lang ang gastos ko. Sapat na ang kinikita ko sa pagtitinda ng puto. Hindi ko kailangan ang pera. Ikaw ang gusto kong makita at mayakap. Tuwing Pasko ay umaasa akong uuwi ka. Pero sampung Pasko na ay hindi ka pa rin dumarating. Anak, inipon ko ang dollars na ipinadala mo para kapag nagkasakit ka at hindi na makapagtrabaho ay mayroon ka pa rin magagastos.
Hindi na maituloy ni Leo ang pagbabasa sa liham dahil nanlabo na ang kanyang paningin dulot ng walang patid na pagtulo ng kanyang luha. Sising-sisi siya sa pagwawalang bahala sa kanyang ina. Inay…Inay…sorry.
- Latest