^

Punto Mo

‘Private Show (?)’

- Tony Calvento - Pang-masa

MARAMING paraan na nagbabalatkayo ang isang taong may maitim na balak para lamang makalambat ng kanilang ‘target’.  Sa bandang huli mo na lamang malalaman ang kanilang tunay na kulay matapos mo silang makaliskisan.

Mga lalaking nakasuot ng makukulay na ‘brief’. Matipuno ang mga katawan at may tindig na mala Adonis.

Mga larawang kuha sa isang ‘photoshooot’ ng isang Event Management Agency na pinamumunuan umano ni Julius Luceriano Baay.

Nagtungo sa aming tanggapan si Junnee Vee Sunico, 31 taong gulang at mga kasamahan na sina Pia Francisco at Tin Sunico. Ukol ito sa panloloko na naranasan nila kay Julius.

Nakilala ni Junnee Vee si Julius dahil sa isang kaibigang OFW mula sa Saudi Arabia. Nakipagkaibigan siya kay Julius pareho silang mahilig pumunta sa bar. Tuwing uuwi umano ng Pilipinas ay nakikipagkita ito sa kanya. Ganun sila naging malapit.

Enero 2013, ng umuwi ng Pilipinas si Julius, inalok siya na magnegosyo. Magtatayo sila ng kumpanya na tatawaging Secrete Prive Event Management. Sa Thailand daw ito nagsimula at meron na din umano sa London.

Ang magiging kliyente nila ay mga Sheikh at Prinsipe mula sa mga bansa sa Gitnang Si­langan. Ang sistema, itong mga binabanggit na Sheikhs at Prinsipe ang siyang mamumuhunan para magkaroon ng isang gimik kung saan panunuorin nila ang mga lalaking ito at kung ano pa man ang mga susunod na mangyayari dito ay hindi nila alam.

Kailangan ay makabuo sila ng labing-anim na mga lalaking modelo. Sila ang gagawing pri­badong host umano sa mga event at mag-aasikaso sa mga kliyente.

Si Julius ang presidente at siya ang bise. Ang sahod niya bilang bise ay Php300,000.00. Ang ibang opisyales naman ay tatanggap ng Php200,000.00 at tatanggap naman ang mga modelo ng php150,000.00.

Mayo 2013, inasikaso na nila ang mga papeles para sa kanilang kumpanya. Inirehistro nila ito sa Department of Trade and Industry (DTI). Nagsimula na din silang mag-‘recruit’ ng mga male models.

“Nagpunta kami sa mga bars at ilang pang lugar kung saan makakakuha kami ng mga gwapong modelo. Siya ang pipili kung sino ang papasa,” ani Junnee Vee.

Sa unang buwan ay sinanay ni Julius ang mga modelo tungkol sa personality development, table manners at kung paano rumampa. Nakatira silang lahat sa isang bahay kaya sinagot na niya ang lahat ng gastos dahil maibabalik naman daw ito. Meron umanong kontak itong si Julius mula sa Thai Embassy na nakilala lamang nila sa pangalang Balino. Ito ang nagsasabi ng kanilang mga gagawin at kokontak sa mga kliyente.

“Nakakatext namin siya kaya parang totoo talaga lahat. Nagpautos daw siyang magphotoshoot kami. Naghanap agad kami ng magandang lugar na may tanawin,” kwento ni Junnee Vee. Nakapunta sila ng Baguio, Bulacan, Rizal, Ifugao Province at Pangasinan para mag-‘photoshoot’. Si Julius na din ang photographer upang di na madagdagan pa ang gastos. Matapos ang photoshoot ay pinapaedit umano nito ang mga litrato at isesend sa mga kliyente.

Madalas na itong magpaayos ng kung ano-anong papeles. Hanggang sa may event na daw silang gagawin.

Namili pa sila ng mga ‘catering­ services’ na maaring puntahan para masigurong masarap ang pagkain ng mga bisita. Naihanda na ang lahat ngunit madalas daw na hindi ito matuloy.

Nag-usisa na sila gayon din ang pangakong sweldo nito na hindi dumadating. Hindi umano ito nauubusan ng dahilan nangako din ito na ibabalik lahat ng nagastos nila. Hanggang sa unti-unti nilang natuklasan ang mga panloloko nito.

“Nagpabili siya ng sigarilyo sa friend namin. Pinadala niya yung bag niya. Ang sabi niya, ingatan daw yung sim card at baka mahulog. Nacurious yung kaibigan namin,” kwento naman ni Pia.

Napag-alaman nila na ang numero ng sim card na yun ay siya ring numero ni Balino. Nagpanggap silang walang alam. Umalis na ang mga modelo sa bahay pati si Junnee Vee dahil nagkasagutan silang dalawa.

Nangako itong si Julius na matatanggap na niya umano ang Php25 milyon na budget para sa kanila sa ika-30 ng Oktubre ito darating. Lumipas ang buong maghapon pero hindi umalis ng bahay itong si Julius. Ika-31 ng Oktubre sumabay pa daw sa kanila na kumain ng pananghalian ngunit nagkulong na sa kwarto niya pagkatapos.

Nagising na lang daw sila Pia ng alas kuwatro ng madaling araw dahil sa tawag ni Junnee Vee. Nagpakamatay daw si Julius kaya pinuntahan agad nila sa kwarto niya.

Tirik na umano ang mga mata nito at nagkulay talong na ang balat. Sa tabi nito ay nakita nila ang mga lagayan ng gamot. Isinugod nila ito sa Ospital at yun na ang huling kita nila dito.

“Gusto namin siyang makulong upang di na makapanlokong muli. Pati sa ibang bansa pala ay nanloloko din siya ng ibang tao at kalat na kalat ito sa facebook. Huling balita namin mangingibang bansa daw siya,” pahayag ni Junnee Vee.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Junnee Vee.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, lagi naming pinapayuhan ang ating mga kababayan na magimbestiga kung napakalaki talaga ng halagang kikitain kesa sa iyong gagawin.

Nung mga unang buwan pa lang na wala silang natatanggap ay ni hindi sila naghinala kung bakit wala itong maibigay na eksaktong petsa para sa sahod nila. Masyado siyang napalagay at napaikot nitong si Julius sa magandang salita kaya naman kahit napansin na ang anomalya ay ipinagsawalang bahala lamang niya ito.

Bilang tulong binigyan namin sila ng ‘referral’ sa tanggapan ni National Bureau of Investigation Deputy Director for Intelligence Reynaldo Esmeralda upang buwagin ang mga illegal umano na ginagawa nito.

Kung totoong may mga sheikhs at prinsipe na galing sa Gitnang Silangan ano naman ang ipapagawa sa mga lalaking ito? Pagpipilian, magpapalabas ng ‘private show’ o baka bandang huli ay ‘sex’ lamang ang gusto nila.

Ngayon kung itong si Julius ay isang manyakis, hindi na siya mahihirapan maghanap ng lalaki dahil sila na ang lalapit sa kanya.

(KINALAP NI DAHLIA SACAPAÑO) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN at para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

DAW

JULIUS

JUNNEE VEE

KUNG

NILA

SILA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with