May tatlong trahedyang sa bansa’y naganap:
Digmaan, lindol at bagyong malakas;
Ang tatlong trahedya’y pawang kalamidad
Na luha at dusa ang naiwang bakas!
Ang mga nangyari’y posibleng pagsubok
Na sa ating bansa’y parusa ng Diyos;
Nakapagtatakang sa malayong pook
At hindi sa Metro na maraming salot!
Narito sa Luzon mga taong sukab
Salapi ng bayan siyang winawaldas;
Kaya pag dumating mga kalamidad
Tulong sa biktima ay hindi matanggap!
Sinasabi nila na maraming pera
Ang ating gobyerno nasaan na kaya?
Dahil sa maraming dito’y walanghiya
Dapat lang na dito sakuna’y naganap!