PATULOY na bumubuhos ang donasyon para sa mga biktima ng Super Bagyong Yolanda.
Maraming bansa ang nagbigay ng tulong. Baka umabot ng trilyong piso ang halaga ng mga donasyon.
Dahil dito, umaasa na pag-iingatan nang husto ng mga kinauukulang ahensiya ang pamamahagi ng tulong. Dapat maging pantay ang pamamahagi ng donasyon sa mga biktima ng kalamidad.
Maiwasan sana ang usapin ng pulitika lalo pa’t ang mayor ng Tacloban City na si Mayor Alfred Romualdez ay mula sa oposisyon na tumalo sa bata ng administrasyon na si dating congressman Bem Noel.
At kung magkakaroon ng anomalya sa mga donasyon, dapat patawan ng mabigat na parusa at mismong si President Aquino ang aaksyon dito.
Tampulan ng usap-usapan sa international community ang masaklap na pangyayari sa Pilipinas. Maging ang mga artista sa Hollywood ay nagpaabot ng pakikiramay at nangako ng pagkalap ng tulong para ibigay sa mga biktima ni Yolanda.
Dapat pangalagaan at tiyakin na hindi mababalutan ng anomalya ang mga donasyong ibinigay ng mga dayuhan para sa biktima ni Yolanda. Huwag ding kalimutan ang ibang lugar na tinamaan ni Yolanda gaya ng Samar at Palawan. Baka matuon lang sa Tacloban o buong Leyte ang pagtulong.
Panawagan ko sa sambayanan na magtulung-tulong upang makabangon ang mga biktima ng kalamidad.