PINAALALAHANAN ang mga kababayan natin partikular ang mga overseas Filipino worker na nagpapadala ng package sa mga freight forwarder.
Baka nakatipid nga kayo subalit kulang-kulang naman ang mga gamit na nakakarating sa inyong pamilya at mga kamag-anak.
Marami ng mga insidente ang naitala hinggil sa pagkawala ng mga package. Kadalasan, hindi na ito naibabalik at wala na talagang tsansa pang maibalik sa pobreng nagpadala o sa pinagpadalhan ng bagahe.
Ilang linggo bago ang Pasko, nabiktima si Carla ng isang freight forwarder na pinagpadalhan ng kanyang kapatid mula sa Jeddah, Saudi Arabia
Galit ang naramdaman ng pamilya ng OFW sa Pilipinas ng ang kahong inihatid sa kanila ay sira-sira na.
Ang masaklap pa, nang buksan nila ang package, ang mga gadget na nagkakahalaga ng halos P200,000 at iba pang mga mamahaling gamit, wala na!
Nang sinubukang kontakin ni Carla ang Sky Freight Forwarder, wala silang naisagot na paliwanag sa nagrereklamong biktima.
Sa isang social networking site, napag-alaman na patong-patong na pala ang reklamo laban sa nasabing forwarder.
Sa sumbong na ito ng biktima, sinubukang hingin ng BITAG ang panig ng Sky Freight Forwarder subalit tumanggi silang humarap sa kamera.
Ang tangi nilang sagot, iimbestigahan daw nila ang pangyayari at makikipag-ugnayan sila sa kanilang opisina sa Jeddah.
Ngayong Kapaskuhan, walang dudang tataas ang bilang ng mga OFW na magpapadala sa kanilang mga kaanak at kapamilya.
Paalala ng BITAG sa publiko, abisuhan ang inyong mga kamag-anak na nasa ibang bansa na iwasang ihalo sa mga balik-bayan box ang mga mamahaling gamit para lang makatipid. Sa halip, gumamit na lamang ng serbisyo kung saan deklarado ang bawat gamit na nakaÂpaloob sa mga kahon.
Mabuting magbayad na lang ng mas mahal sa mga forwarder na accredited ng Department of Trade and Industry, nakakasiguro naman kayo na makakarating ang inyong mga bagahe.