KAPAG nagugutom ang isang tao, maaari siyang mang-agaw ng pagkain. Sa tindi ng hilab ng tiyan, gagawin niya ang lahat para magkaroon iyon ng laman at mawala ang nadaramang gutom. Kadalasan, may mga gutom na hindi pa rin magawang mang-agaw ng pagkain dahil alam niyang mali iyon. May mga nagugutom na naghihintay abutan o limusan ng kapwa. Hindi sila gumagawa ng masama kahit pa namumuti na ang kanilang mga mata sa gutom.
Sa nangyayaring pagnanakaw ng mga residente sa mga tindahan at mall sa Tacloban City na grabeng sinalanta ng Super Typhoon Yolanda, hindi masasabing dahil sa gutom kaya nila ginagawa ang ganoon. Kung sila ay nagugutom, mga pagkain sana ang una nilang kinuha. Kung talagang nagugutom sila, hindi freezer na may lamang ice cream, electric fan, backpack, cell phone, damit, plantsa, TV at kung anu-ano pang appliances ang kanilang ninakaw. Mayroon bang nagugutom na ang kinuha ay mga gamit sa bahay.
Sa isang larawan, nilusob ng mga magnanakaw ang isang grocery pero napigilan sila ng may-ari makaraang tutukan ng baril. Nagtakbuhan ang mga magnanakaw sa takot na mabaril.
Mayroon pang pangyayari, na mayroon daw mga bahay na pinasok ng magnanakaw at ninakaw ang pera at alahas. Mayroong mga magnanakaw na pati ATM ay winasak at kinuha ang pera.
Hanggang kahapon umano ay may mga magnanakaw pa sa Tacloban. Nagpadala na ng 120 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang Philippine National Police (PNP) para mapigilan ang mga magnanakaw. Tumanggi naman si President Aquino na magdeklara ng martial law sa lugar para mapigilan ang pagkakagulo.
Hindi na kailangan ang martial law, paigtingin na lang ng PNP ang pagbabantay sa Tacloban at iba pang sinalantang lugar. Arestuhin naman ang mga mapapatunayang nagnakaw sa mall. Kasabay nito, ipagkaloob ang agarang tulong sa mga kawawang biktima.