Lampong (462)

PINAGMASDANG mabuti ni Dick ang taong nakalagay sa diyaryo. Hindi siya maaaring magkamali! Si Pareng Rey nga niya ang nasa diyaryo. Mahaba ang balita ukol sa kanya. Pinasadahan niya ang balita.

Isang malaking pharmaceutical company ang kumilala kay Rey dahil sa natuklasan nitong gamot sa erectile dysfunction. Ayon sa balita, ang gamot ay nagmula sa “penis” ng itik. Napatunayan na mahusay ang “penis” ng itik sa mga kalalakihang nagdurusa sa erectile dysfunction.
Dumaan daw sa pagsusuri ang natuklasan ni Rey at napatunayang epektibo nga sa mga lalaking may problema sa kanilang lumu­lungayngay na ari.

Ayon pa sa balita, pina­ngalanan ang natuklasan ni Rey na “penisitik”. Marami raw pharma company ang nag-uunahan sa natuklasan ni Rey pero ang malaking kompanya ang binigyan niya ng pahintulot. Malaking pera ang ibinayad umano kay Rey ng pharma company. Bukod sa pera ay may libre pang tour sa buong mundo si Rey. Makakadalaw din ito sa headquarters ng pharma company sa Switzerland.

Napabuntunghininga si Dick nang malaman ang buong balita. Nalungkot siya sapagkat ang buong akala niya, silang dalawa ang magta­tamasa ng tagumpay na una niyang natuklasan. Nagkamali siya sapagkat sinolo ni Rey ang tagumpay. Kaya pala ang daming dumalagang itik ang dinala nito nang lumuwas sa Maynila. Pag-aaralan daw niyang mabuti ang mga iyon. At ang pangako nito, kapag nalaman niya ang lahat ukol sa mahiwagang gamot na dulot ng itik, agad siyang tatawagan o iti-text. Kaya pala hindi siya tinawagan ay dahil naibenta na ang “mahiwagang gamot”.

Napabuntunghininga uli si Dick. Akala niya, tunay na kaibigan si Rey. Hindi pala.

“Ano Ninong, di ba si Pareng Rey mo ’yan. Big time na siya di ba. Baka milyong piso ang ibinayad sa kanya ng pharma company. Pero bakit niya sinolo ang credit. Di ba ikaw ang nakatuklas n’yan?”

“Oo, Mulong. Nagtiwala ako sa pangako niya pero hindi siya tumupad.’’

“Akala ko, mabuti siyang kaibigan, Ninong.’’

“Akala ko rin. Pero ha­yaan mo na. Siguro, talagang hindi ako nakatadhanang yumaman sa gamot na iyon na galing sa itik.’’

“Pero Ninong, bakit sinabi niya na sa “penis” ng itik galing ang mahiwagang gamot. Di ba sa karne lang ng itik?’’

“Gimik lang niya yun. Siyempre para may dating o impact. Kung sa penis nga naman ng itik nanggaling, nakakatawag ng pansin.’’

‘‘Tinawag pa niyang “peni­sitik’’.

“Oo nga. May dating ang pangalan.’’

“Pero Ninong, di ba hindi naman magkakabisa ang karneng itik kung walang natutuka na buto ng uloy? Paano kung walang buto ng uloy na nakakain ang itik na binibenta ni Rey. Mawa­walan ng bisa yun, di ba?’’

Nag-isip si Dick. Oo nga. Ba’t hindi niya naisip yun?

(Itutuloy)

Show comments