Huwag nang maging pasaway!

Hindi pa man pumapasok sa bansa ang Super Typhoon na si Yolanda, agad nang nagbabala ang mga ahensya ng pamahalaan para ito mapaghandaan.

Maaga pa ay pinakilos na ang iba’t ibang ahensya para  masiguro ang mabilis na pag-asiste sa mga kababayan nating matinding tatamaan ng malakas na bagyo.

Pinalikas na agad ang mga nasa mababang lugar dahil sa inaasahang posibleng pagtaas ng tubig dala ng bagyo.

Kahapon pa lamang ay sinuspinde na rin ang klase sa ilang mga lalawigan na sesentruhan ng super typhoon na ito.

Medyo nakakatakot ang bagyong ito na talagang malakas, dahil signal no. 4 na ang idineklara sa lalawigan ng Leyte at Samar, kaya naman dapat na hindi balewalain ng ating mga kababayan ang paalala ng mga opisyal sa kani-kanilang lugar.

Hindi na dapat pang maging matigas ang ulo, kapag sinabing likas na, likas na, huwag nang maging pasaway, para rin naman yan sa inyong kapakanan.

Sa pagtaya mas malakas ang bagyong ito na si Yolanda kaysa sa bagyong si Pablo.

Kaya mas unahin natin na iligtas ang buhay kaysa sa mga hindi madadalang ari-arian.

Gawin ang  lahat ng  contingency measures at matinding paghahanda.

Malawak ang mahahagip ng bagyong  magla-landfall at hahagupit sa araw na ito.

Iwan na muna ang bagyong isyu sa pulitika at magtulungan muna sa panibagong kalamidad na ito.

Panalangin ang kailangan.

 

Show comments