EDITORYAL - ‘Ikinadena ang mga paa’

HINDI makatao ang ginawang pagtrato sa 30 Pilipinong na-deport mula sa Saudi Arabia. Ayon sa mga dumating na Pinoys noong Lunes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) tinrato silang hayop ng Immigration authorities sa Riyadh. Ikinulong daw muna sila ng apat na araw sa siksikang selda at saka ipinarada mula sa immigration center hanggang sa airport. Ikinadena raw ang kanilang mga paa para masigurong hindi makakatakas.

Ang 30 Pinoys ay kabilang sa tinatayang 6,700 na stranded sa iba’t ibang lugar sa Saudi Arabia. Karamihan sa kanila ay mga Pinoy na niloko ng employer at hindi sinuwelduhan. May mga tumakas at nagpalabuy-laboy sa kung saan-saan at ang iba ay nakikitira sa mga kapwa Pinoy. Nagbigay ng amnesty ang Saudi government sa mga undocumented Pinoys subalit marami pa rin ang hindi naka-avail hanggang sa mag-lapse ang amnesty noong Linggo. Agad sinimulan ng Saudi ang crackdown sa lahat ng illegal migrants sa nabanggit na bansa. Umano’y hindi na magbibigay ng bagong extension ang Saudi government. Desidido silang walisin ang lahat nang dayuhan na illegal na naninirahan doon.

Nakapagtataka naman kung bakit mabagal ang pagproseso ng papeles ng mga illegal Pinoys sa Saudi. Kumikilos ba ang embahada ng Pilipinas sa Saudi? Matagal nang stranded ang mga Pinoy at dapat sana nabigyan sila ng ayuda para agad napa­uwi. Ano rin ang ginagawa ng Overseas Worker­s and Welfare Administration?

Kung may katotohanan na tinratong hayop ang mga Pinoy sa Immigration ng Saudi, dapat kumilos ang pamahalaan. Dapat pa bang ikadena ang kanilang mga paa? Hindi ito makatao kaya nararapat lamang magprotesta ang gobyerno.

Show comments