HANGGA’T hindi ibinabasura ang lahat ng pork barrel hindi matatahimik ang mamamayan. Lagi nang magkakaroon nang pagkilos at mga protesta. Mula nang sumingaw ang P10-billion pork barrel scam na minaniobra ni Janet Lim Napoles, apat na protest-rally na ang ginagawa at pawang tagumpay. Unang protesta ay noong Agosto 26 sa Luneta na marami ang sumigaw na ibasura na ang Priority Assistance Development Fund (PDAF) o pork barrel. Nagsalita ang Presidente at sinabing binuwag na raw ang PDAF. Pero hindi naman pala totoo at katunayan, isinama pa sa 2014 national budget ang PDAF.
At lalo pang nagngitngit ang mamamayan nang ibulgar ni Sen. Jinggoy Estrada na namudmod ang Malacañang ng tig-P50-milyon sa mga senador makaraang mapatalsik sa puwesto si Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Inamin naman iyon ng Malacañang at sinabing nagmula iyon sa Disbursement Acceleration Program (DAP). Pero sa kabila ng kontroberyal na DAP, walang hiwatig na tatanggalin ito ng Presidente. Mas abala ang Presidente sa pagsagot sa mga kritiko. Noong isang gabi, nagsalita siya sa TV at mariin niyang sinabi na hindi siya magnanakaw at wala siyang ninakaw.
Marami ang nagulat sa biglang pagsasalita ng Presidente. Ikalawang pagkakataon na nagsalita siya sa TV mula nang umalingasaw ang pork barrel scam. Una ay noong inihayag niya na binuwag na raw ang PDAF. Ang pagsasalita ng Presidente ay ginawa ilang araw mula nang lumabas ang survey na nabawasan ang kanyang popularity rating. Bukod sa Presidente, bumaba rin ang rating ng Senado at mismong ang lider nito na si Senate President Franklin Drilon.
Ang mabuting gawin ay ibasura ang anumang uri ng pork barrel. Sundin ng Presidente ang kanyang mga “bossingâ€. Kapag nawala na ang pork barrel, mapapayapa ang mamamayan pagka’t wala nang pondong kukurakutin.