HINDI na makakaiwas si Agriculture Secretary Proceso Alcala sa mga naglalabasang eskandalo sa kanyang kagawaran. Mula sa kontrobersiyal sa bigas, sinasabing US citizen at wala umanong sapat na karanasan ang itinatalaga niyang administrator ng NFA na si Orlan Calayag.
Napakaraming kapalpakan si Alcala at dahil sa kanya ay si President Noynoy Aquino ang nadadamay sa mga batikos.
Matagal nang nambobola si Alcala sa publiko at maging kay P-Noy. Noong una, ipinagyayabang niya na sapat na sapat daw ang suplay ng bigas at sa katunayan ay maaari pang mag-export.
Hindi ito totoo dahil patuloy ang pag-iimport at malakas pa rin ang smuggling ng bigas sa bansa. Kung sapat ang bigas, malabong mamayani ang smuggling sa Pilipinas at hindi na makakapagpalusot ang mga smuggler sa Bureau of Customs.
Bukod dito, lumilitaw na ang Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Alcala ay nagsilbing implementing agency sa mga sinasabing pork barrel ng ilang mambabatas na namaniobra ang pondo.
Kung may delikadesa si Alcala, magboluntaryo na siyang magbitiw sa puwesto at masasagip niya si P-Noy sa kahihiyan dahil sa kapalpakan sa DA.
Sa mga radio interview, puro “po†at “opo†ang pinagsasabi ni Alcala na para bang napaka-husay ng kanyang trabaho sa DA.
Lumalakas ang panawagan na magbitiw na si Alcala sa puwesto. Marahil ito na nga ang nararapat niyang gawin upang hindi na madamay si P-Noy.
Dapat imbestigahan ng Kongreso si Alcala at buong DA sa naging papel nito sa pork barrel funds ng mga mambabatas. Dapat ding silipin ang mga napakaraming proyekto sa DA na tila hindi naman lubos na nakikinabang ang sector ng pagsasaka. May mga report na may anomalya rin sa mga proyekto at tongpats sa DA na dapat alamin ng Kongreso.