MAINIT sa mata ng mga kawatan ang mga importanteng gamit lalo na sa mga pampublikong lugar. Isa-isang pinag-aaralan at iniispatan lahat nang maaari nilang makuha sa bibiktimahin. Nangyayari ang mga pananalisi sa mga siksikang lugar.
Isa sa mga iniikutan at pinopostehan ng salisi gang ang mga restaurant, mapa-high end man o pangkaraniwan. Binabantayan nila ang kilos ng mga kustomer. Kapag nakalingat ang target pasimple nilang isinasagawa ang modus.
Nitong mga nakaraang linggo, isang ginang ang nabiktima ng Salisi gang. Natangay ang bag ng ginang na naglalaman ng halos kalahating milyong pisong halaga ng pera at gamit, ng walang kamalay-malay.
Lingid sa kaalaman ng ginang, bago pa man isagawa ang krimen, napag-aralan na siya ng mga salisi sa lugar. Wala pang isang minuto isinagawa ang pagnanakaw. Mission accomplished agad!
Sa video’ng nakuha ng closed circuit television camera ng restaurant sa Pasay City, kitang-kita ang pandedekwat ng grupo.
May coded at senyasan ang grupo. Pasimple nilang tatabihan ang kanilang target.
Bawat isa ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan. Kapag nakakita ng pagkakataon, isasagawa ang pagsalisi.
Paalaala sa mga mahihilig kumain sa restaurant, doble ingat sa lahat ng inyong mga kagamitan. Huwag maging kampante. Tandaan, hindi garantiya ang guwardiya o CCTV na ligtas kayo sa mga gumagalang kriminal.
Babala ng BITAG, maging alerto sa lahat ng pagkakataon upang hindi maisahan ng salisi gang.