EDITORYAL - Kulang sa ilaw at road signs
DUMADAGSA na sa mga bus terminal ang mga pasaherong uuwi sa kanilang probinsiya para gunitain ang Araw ng mga Patay. Nararapat namang maging maingat ang mga drayber ng bus para hindi maaksidente. Kadalasan, kahit na maingat ang mga drayber, may mga naaaksidente pa rin dahil walang babala at ilaw sa mga kalsada, partikular sa mga highway patungong probinsiya.
Ang malagim na karambola ng walong sasakyan sa Atimonan, Quezon noong Sabado ng madaling-araw ay isinisisi sa kawalan ng road signs, steel railings at ilaw sa mga kurbadang bahagi ng highway. Dalawampung tao ang namatay sa aksidente sa Atimonan. Maraming namatay sa bus makaraang bumangga sa mga kasalubong. Umano’y binangga ng isang trak ang hulihan ng bus kaya nawalan ito ng control. Kung may road signs at ilaw sa lugar baka naiwasan ang aksidente.
Maski sa Metro Manila ay marami ring kalsada ang madilim at wala ring road signs. Sa mga flyover, kulang din ang mga babala na dapat mag-ingat lalo na kung umuulan. Walang nakasaad na dapat ay maÂrahan lamang ang pagpapatakbo sapagkat madulas ang daan. Kulang na kulang din naman sa mga babala sa mga lugar na kurbada na dapat ay mabagal lamang ang pagpapatakbo.
Kung sa mga malalaking kalsada sa Metro Manila ay kulang na kulang ang signages para mag-ingat sa pagmamaneho, tiyak na sa mga malalayong lugar ay wala na talagang maaasahan na bibigyang pansin ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kaya sisihin ang DPWH sa mga nangyayaring trahedya sa mga kalsada. Hindi nila ginagampanan ang tungkulin para magpaalala sa mga drayber na mag-ingat sa pagmamaneho. Maraming trahedya na ang nangyari na ang kawalan ng paunawa sa kalsada ang dahilan kaya nahulog sa bangin ang pampasaherong bus o cargo truck. Mayroong nagsasalpukan dahil walang babala na bawal mag-overtake.
Katwiran ng DPWH ang road warnings, signages at railings na nilalagay nila ay ninanakaw at binebenta sa junkshops. Lagi raw nilang pinapalitan, pero laging ninanakaw. Kung ganito ang nangyayari, bakit hindi sila makipag-ugnayan sa barangay para makapagÂronda roon at nang mahuli ang mga magnanakaw. Kung ninakaw, agad sana nilang palitan para magkaroon ng babala ang mga motorista at nang hindi sila mabulid sa kamatayan kasama ang mga kawawang pasahero.
- Latest