Internet sa ilalim ng dagat

KAHIT sa kalawakan ay meron nang internet tulad ng ginagawa sa International Space Station at nagagamit ng mga astronaut para makapagpadala ng e-mail o kaya makipag-chat (text o video). Hindi rin malayong magkaroon ng internet sa Mars kung sakaling tuluyang makapagpatayo ng kolonya ng tao roon.

Pero, kung naging posible ang internet sa kalawakan, bakit hindi puwede sa ilalim ng karagatan dito mismo sa Daigdig?

Isang grupo ng mga researcher ng University of Buffalo sa New York ang nag-eksperimento sa pagkakabit ng wi-fi network sa ilalim ng Lake Erie malapit sa Buffalo. Layunin nila rito na makabuo ng wi-fi network sa ilalim ng tubig para magkaroon ng internet sa pusod ng karagatan. Malaking tulong daw ito sa pagtunton sa mga kalamidad na tulad ng tsunami (pati na rin marahil lindol) lalo na sa pamamagitan lang ng mobile phone at computer. Layunin ng kanilang eksperimento na malikha ang isang mapapagkasunduang pamantayan sa komunikasyon sa ilalim ng tubig para maging mas madali ang interaction at data-sharing.

Sinasabi pa na, hindi tulad sa normal na wi-fi na gumagamit  ng radio waves, ang wi-fi o internet sa ilalim ng dagat ay gumagamit ng sound waves.  Nakakapasok naman ang radio waves sa tubig pero limitado lang ang naaabot at ang katatagan. Hindi tulad ng sa sound waves na maraming option na tulad ng ipinapakita ng maraming lamang-dagat tulad ng mga balyena at dolphin.

Ayon pa sa mga researcher, maraming buhay ang maliligtas kung ang impormasyon sa mga kalamidad tulad ng tsunami ay agad na malalaman ng sinumang may cell phone  o computer.  Hind malayong mangyari ito dahil, sa kasalukuyan, meron nang nalilikhang mga smart phone na puwedeng ilubog sa tubig nang hindi masisira.

Siguro, kung mapapaunlad pa ito, puwede na ring mag-Facebook o makipag-chat at manood ng video sa YouTube o mag-‘‘surf’’ sa internet habang sumisisid ka sa ilalim ng dagat. Dagdag na libangan na rin sa mga gustong mag-outing sa tabing-dagat. Nagsa-‘‘surf’’ ka na sa malalaking alon sa dagat, nagsa-“surf” ka pa sa internet.

• • • • • •

(Anumang reaksiyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)

 

Show comments