FOI Bill, lumalabo na naman
MAYROONG deklaras-yon si Senate President Franklin Drilon na malabong maipasa sa Senado ang kontrobersiyal na freedom of information (FOI) bill. Ayon kay Drilon, three session days na lamang daw ang nalalabi sa susunod na linggo.
Hindi raw puwedeng madaliin ang panukalang batas na dapat daw mabigyan ng mahabang panahon para pagdebatehan.
Tanong ko lang kay Drilon, bakit noong isang taon ay naisabay ang Reproductive Health Bill at Sin Tax Bill sa pagtalakay sa panukalang national budget. Parehong nailusot ang Sin Tax Bill at RH Bill.
Ang nakakasama lang ng loob kapag ang panukalang batas ay may mga opisyal ng gobyerno na tatamaan, masyadong mabagal ang pag-usad nito.
Sana, makalusot ang FOI bill dahil ito ang magsisilbing sandata ng publiko laban sa mga umaabuso sa pondo ng taumbayan.
Magiging daan din ang FOI bill na magsitino ang mga opisyal ng gobyerno dahil magiging mabilis ang pagsilip sa kanila ng publiko kapag umabuso sa pondo.
Umaasa akong magbabago pa ang paninindigan ng Malacanang na masertipikahan ng Presidente bilang urgent bill ang FOI bill. Ito ang magiging dahilan upang mapilitang kumilos ang mga senador at kongresista na mapagtibay ang panukalang batas.
Napapanahon ang FOI bill sa gitna ng kontrobersiya na pag-abuso at paglustay ng PDAF ng mga kongresista at senador gayundin ang nabunyag ng DAP na ipinamudmud ng Malacañang sa mga mambabatas.
- Latest