Ang convicted murderer na tatlong beses na-postponedang pagbitay

LETHAL injection ang ginagamit sa Oklahoma sa pagbitay sa mga convicted murderer. Pero bago isagawa ang pagbitay, pinag-aaralang mabuti ang kaso ng convict. Masusing iniimbestigahan. At kahit na nakatakda na ang pagbitay sa araw na iyon, ipagpapaliban para suriing muli ang kaso. Kaya may mga convicted murderer sa Oklahoma na ilang beses naipagpapaliban ang pagbitay.

Kagaya ng inmate na si David Matthews na tatlong beses na-postpone ang pagbitay dahil pinag-utos na pag-aralan nang paulit-ulit.

Si Matthews ay akusado sa pagpatay kay Otis Earl Short. Binaril niya ito habang nagnanakaw sa bahay ng biktima. Agad sinentensiyahan ng kamatayan si Matthews.

Itinakda ang pagbitay sa kanya sa pamamagitan ng lethal injection. Pero bago siya naturukan, tumawag ang governor ng Oklahoma at ipinag-utos na pag-aralan muna ang kaso. Itinakda muli ang pagbitay sa ikalawang pagkakataon. Pero muling na-postpone dahil sa pagtawag muli ng governor. Sa ikatlong pagtatakda ng bitay kay Matthews ay muli na namang na-postpone. Nagkaroon ng problema sa gamot na ituturok kay Matthews.

Sa ikaapat na pagkakataon natuloy ang pagbitay kay Matthews. Nang dumadaloy na ang gamot sa ugat ni Matthews, sinabi umano nito na kaya siguro hindi nakatawag ang governor at pigilan ang pagbitay sa kanya ay dahil “sira” ang telepono nito. Nakangiti si Matthews nang sabihin iyon. Iyon ang huli niyang sinabi at tumigil na ang tibok ng kanyang puso. (www.oddee.com.)

Show comments