Daming mamahaling kotse sa Manila City Hall!

NAGMUKHANG show room ng imported cars ang City Hall ng Maynila mula nang maupo sa puwesto si Mayor Erap Estrada. Sumilip ka sa loob ng City Hall mga kosa at ang makikita ay Porsche, Lexus, Hummer, Lincoln, Navigator o Escalade. Puro hi-end sila mga kosa na galing pa sa Europe, US at iba pang mayayamang bansa. Bihira mo ngang makita ang mga kotseng Audi, BMW at Mercedes Benz sa parking lot ng City Hall eh halos P2.5 milyon na ang mga halaga nito. Siyempre, kung mamahaling kotse ang makikita mo sa City Hall, mga mestizo at mestiza rin ang mga may-ari ng mga ito na halos lahat mga bisita ni Erap. Kaya’t papogian o pagandahan na ang labanan sa kaharian ni Erap. Hehehe! Parang sa pelikula pa itong si Erap ah, di ba mga kosa? Pero lilinawin ko mga kosa, wala namang batas na nilabag si Erap at maging ang mga may-ari ng mamahaling kotse. Kaya ko lang nabanggit ito dahil halos kabaliktaran ito noong kapanahunan ni dating Mayor Alfredo Lim kung saan kakaragkarag ang mga nakaparadang kotse sa parking lot nga. Teka nga pala, ano na kaya ang latest sa protesta ni Lim laban kay Erap?

Pero kuwidaw kayo mga kosa, ang linis sa ngayon ng City Hall compound at kung magkalat ka roon mapapahiya ka. Mismo! Kung maganda o pogi ang mga taong namumugad sa ngayon sa City Hall at magagara pati na ang mga kotse nila, aba medyo hindi naman maganda ang nangyayari sa suppliers na matagal nang nagnenegosyo roon. Kasi nga, me sumisingil ng 10 porsiyento sa suppliers sa bayad sa mga deliveries nila at kung malasin ka pa pati barya eh tabla na rin. Ang naulinigan ng suppliers, mukhang nais na silang sibakin ng mga opisyales ni Erap  at papalitan na ng mga alipores nito, pati mga kamag-anak niya. Ano ba ‘yan? Sana hindi totoo ang balitang ito dahil hindi ito magdudulot nang maganda sa imahe ni Erap na kinasuhan na ng plunder noong presidente pa siya. Halos laman na rin ng pahayagan, TV at radyo ang kasong isinampa ng gobyerno laban sa anak ni Erap na si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa PDAF. Kaya hindi na kailangan ni Erap ang isa pang eskandalo na ang ugat ay pitsa at tiyak mauungkat ang kaso nila ni Jinggoy, di ba mga kosa? Hehehe! Hambalusin mo nga ang mga alipores mong ganid sa pitsa Mayor Erap Sir at para madala. Hehehe! Kanya-kanyang raket lang yan!

Pero sa aspeto naman ng pasugalan, mukhang nasa tamang direksiyon si Erap nang sibakin niya ang 10 precinct commanders dahil sa laganap na bookies nina SPO2 Gener Presnedi alyas Paknoy, at Delfin “Daboy” Pasya, lotteng ni Don Ramon at video karera ni Gina Gutierrez sa sakop nila. Lumalabas lang na seryoso si Erap sa kampanya laban sa illegal gambling, di ba mga kosa? Ang dapat isunod ni Erap ay ang pagbalasa sa station commanders dahil balitang nabili na sila ng gambling lords na sina Presnedi, Pasya, Don Ramon at Gutierrez. Hindi mahihinto ang pasugalan sa Maynila tulad ng ninais ni Erap kapag puro “hingi-huli” at “tubos-huli” lang ang gagawin ng station commanders, di ba mga kosa? Mismo!

Sa ngayon, masasabi kong gerilya na ang operation ng pasugalan sa Maynila dahil walang puknat ang panghuhuli na ginagawa ng CIDG, NCRPO at MPD. Pero bakit umiikot ang taga-DILG at NBI para manghingi ng lingguhang intelihensiya sa gambling lords? Abangan!

 

Show comments