May 30 pulis pala ang nakatakdang kasuhan ng NCRPO makaraang mabuko na wala ang mga ito sa kani-kanilang puwesto sa itinatag na mga checkpoints kaugnay sa gaganaping barangay elections.
Aba’y mismong si NCRPO director Chief Supt. Marcelo Garbo raw ang nakabuko na wala ang mga pulis sa mga checkpoint sa isinagawa nitong mga sorpresang inspeksyon.
Nakakatawang isipin na may itinayong checkpoints pero wala naman palang pulis na nagbabantay dito.
Ang biglaang inspeksyon ay isinagawa ng NCRPO chief sa mga checkpoints at sa sinasabing madalas ang mga street crime tulad na lang sa Cubao at Edsa sa lungsod Quezon; sa Mandaluyong City ; sa Espana sa Maynila at sa Caloocan City.
Kaya naman pala sa kabila ng mga itinatag na checkpoints na ito ay hindi pa rin masawata o mabawasan man lang sa bilang ang mga nagaganap na krimen, partikular ang pagsalakay ng mga kawatan, holdaper at riding in tandem.
Sinimulan ang election period noong Setyembre 28 at magtatapos sa Nobyembre 12 at kaalinsabay nito ang itinatag na checkpoints para sa pagpapatupad ng gun ban at kasama na rin dito ang pagsawata sa mga elementong kriminal.
May ranggong mula PO1 hanggang Senior Inspector ang mga pulis na nabuko na wala sa kanilang mga puwesto sa checkpoints, kaya naman posible silang maharap sa kasong neglect of duty hanggang serious neglect of duty.
Ayan, saan kaya tumambay na checkpoints ang mga pulis na ito, at wala sa dapat sana’y kanilang puwesto.
Baka naman nasa tabi-tabi lang ng kanilang binabantayang checkpoints.
Tuloy kayo ang na-tsek sa checkpoints.
Checkmate kayo ngayon!