NANANATILI pa ring mataas ang kriminalidad sa bansa sa kabila ng masigasig na kampanya ng mga alagad ng batas.
Araw-araw, binubulaga ang publiko ng mga karumal-dumal na krimen. Nagbabago lang ang pangalan ng biktima at lugar ng pinangyarihan ng insidente. Manhid na ang marami at hindi na naninibago kapag nakakarinig ng ganitong mga balita.
Kung susunsunin ang problema, iisa lang ang tinutumbok nito. Ang central communication system.
Sa US, ito ‘yung tinatawag nilang national emergency number o 911. Ibig sabihin, lahat ng mga emergency maging ito man ay, fire, medical at police tatawag lang ang distressed caller sa 911 para agad marespondehan.
Sa Pilipinas, 2003 pa binuo ang 117. Layunin nito na masugpo ang mataas na estatistika ng krimen katulad ng 911 sa US. Subalit, nitong mga nakaraang buwan, inamin ng Interior and Local Government na hindi epektibo para pansugpo ng kriminalidad ang 117. Sa halip, itinuturing lang nila itong directory assistance!
Siyamnapu’t anim na porsyento umano kasi ng mga tumatawag ay prank caller dahilan para hindi seryosohin ito ng DILG! Bukod dito malaking hadlang din ang kakulangan ng gamit ng Philippine National Police tulad ng patrol cars, 2-way radio at proper training.
Ito ang nakikita ng mga kriminal sa mga alagad ng batas kaya malalakas ang loob nila na isagawa ang kanilang balak!
Kung seseryosohin lang at ipa-prayoridad ng gobyerno na isaayos ang central communication system,walang dudang bababa kung hindi man mabura ang kriminalidad sa bansa!
***
Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5 o via live streaming sa www.bitagtheoriginal.com/bitagsaradyo. Sa mga episode ng PINOY-US Cops – Ride Along at BITAG, ugaliing mag-log on sa www.bitagtheoriginal.com.