Lampong (422)

NANG marinig ni Jinky ang mga putok ng baril ay yumakap ito kay Dick. Takot na takot ito.

“Huwag kang matakot, Jinky.’’

Pero ayaw bumitiw si Jinky sa pagkakayakap. Parang bata na nakakita ng multo at nagtatago sa yakap ng ama o ina.

Nag-alala na si Dick.

“Pareng Rey, tulungan mo akong dalhin sa ospital si Jinky. Palagay ko kaila-ngan siyang ma-confine. Labis ang nadama niyang takot. May traumatic experience ang asawa ko.’’

“Sige Pareng Dick. Teka at ilalabas ko sa garahe ang Fortuner. Maghintay lang kayo.”

“Salamat Pare.”

Isinugod nila si Jinky sa ospital. Habang nasa sasakyan ay walang tigil sa pagdarasal si Dick. Dasal niyang malampasan ng asawa ang dinaranas na trauma. Hindi naman niya alam kung ano ang dahilan at nakaranas ng ganito si Jinky. Hindi niya maitanong sa asawa ang nangyari at kung bakit siya narito sa Maynila. Mas mahala­ga na matingnan at maeksamin ng doctor si Jinky. Ang isang ayaw isipin ni Dick ng mga sandaling iyon ay baka na-rape si Jinky. Bakit ito tumatakbo na parang wala sa sarili kanina? At bakit punit-punit ang damit nito? Bakit naka-shorts? At bakit nasa Miguelin St.? Ano ang ginagawa niya sa kalyeng iyon sa dis-oras ng gabi?

Nagulat si Dick nang magsalita si Pareng Rey.

“Pareng Dick nasa ospital na tayo.”

Bumaba si Rey at binuksan ang pinto ng Fortuner. Nakaabang na ang mga attendant na may stretcher. Doon sinakay si Jinky at ipinasok sa emergency room. Kasama si Dick sa ER. Agad siyang tiningnan ng mga doctor. Isa namang doctor ang nagtatanong kung ano ang nangyari. Ikinuwento ni Dick ang lahat. Pati ang pagkatakot na ipinakita ni Jinky ay ikinuwento rin niya.

Kinunan ng blood pres-sure at iba pa si Jinky. Nanatili sila sa ER nang ilang oras at makaraan ay nilipat na sa isang pribadong room. Si Pareng Rey ay laging nakaalalay kay Dick.

Nagpaalam lang si Pareng Rey na uuwi at makikibalita rin sa nangyaring kaguluhan sa Miguelin St.

Umaga na ito nang magbalik at nagbalita kay Dick ng mga nangyari.

“Napatay ng mga pulis ang lalaki sa Miguelin. Nanghostage raw. Binaril na ng SWAT dahil yung hinostage ay binaril. Ayaw daw sumuko.’’

“Ano raw ang lalaking ‘yun, Pareng Rey.”

“Parang nagkatopak yata mula nang mamatay ang ama.’’

“Bakit kaya napunta roon ang asawa ko, Pareng Rey?”

“Iyan ang malaking misteryo Pareng Dick.”

Napabuntunghininga si Dick. (Itutuloy)

 

Show comments