Pinagmulan ng pork barrel

KATAWAGAN lang naman ang pork barrel na ikinakapit sa pondo ng mga pulitiko para sa kanilang mga proyekto sa kanilang mga nasasakupan. Sa Pilipinas, ito iyong Priority Development Assistance Fund. Pero hindi lang sa Pilipinas talamak ang salitang pork barrel. Ginagamit din ang katagang ito sa paglalarawan sa pondo ng mga pulitiko sa iba’t ibang bansa tulad sa United States, Australia, Germany, Europe, Switzerland,  at iba pa. Medyo naiba sa Poland dahil tinatawag nila ito doon na election sausage.

Pero meron ba talagang totoong pork barrel? Ayon sa Wikipedia, ipinahiwatig ng Oxford English Dictionary na nagsimula ang paggamit ng ganitong salita mula noong taong 1873. Sa isa namang artikulo ni Chester Collins Maxey sa National Municipal Review noong 1919, binanggit niya na ang salitang “pork barrel” ay nagsimula noong bago sumapit ang panahon ng Civil War. Nang panahong iyon, nakaugalian nang gantimpalaan ang mga alipin  ng isang barrel ng salt pork (halos katulad ito ng bacon). Pinaglalaban-laban din ang mga alipin at ang mananalo ay may premyong salt pork. Sinasabi pa na naging karaniwang ulam na rin sa mga tahanan noong ika-19 na siglo ang barrel ng salt pork. Parang sikat ka o  “in” ka sa lipunan  nang mga panahong iyon kung meron kang salt pork sa bahay.

Pero, mukhang sa katagalan ng panahon, nakasanayan nang gamitin ang salitang pork barrel kapag ang tinutukoy ay ang pondo ng mga kongresista, senador at iba pang puliko para sa kanilang constituent. Naging kakambal na ito ng pulitika sa buong mundo. Nag-iiba nga lang ang termino sa bawat bansa. Sa Romania, ito ang pomeni electorale (electoral alm); Poland, election sausage; Serbia podela kola (cutting the cake); Czech, predvolebni gula; Germany- Wahlgeschenke o kaya ay Kirchturmpolitik); Switzerland – Kantonligeist; Danish- valgflaesk; Swedish- valflask; Norway- valgflesk.

• • • • • •

Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com

Show comments