COA at mambabatas, dapat magpaliwanag
SARISARI ang reaksiyon sa naging privilege speech ni Sen. Jinggoy Estrada ukol sa umanoy paglustay ng PDAF. Dahil ang pinag-uusapan dito ay pera ng taumbayan, dapat magpaliwanag ang COA, ilang senador at kongresista na sinasabing mali ang paggamit ng kanilang PDAF.
Nakatawag ng aking pansin sa talumpati ni Estrada ay kung bakit hindi taun-taon nagÂlalabas ng findings ang COA. Umabot pa kasi ng ilang taon bago nagsagawa ng special audit ang COA. Kung taun-taon ay nagkakaroon ng pag-audit, baka hindi na umabot na bilyong piso ang nakulimbat sa pondo.
Ikinatwiran ni COA chairperson Grace Pulido Tan na ang ginagawa nilang taun-taon ay isang regular audit pero hindi ito komprehensibo samantalang ang taong 2007-2009 ay special audit na dumitalye nang husto sa PDAF. Ibig sabihin ni Tan na sa regular audit ay hindi mabusisi at mas marami ang puwedeng makalusot sa paggamit ng pondo ng bayan? Ang pangunahing tungkulin ng COA ay bantayan kung tama ang paggastos ng mga ahensiya ng gobyerno .
Dapat magpaliwanag sina House majority floor leader Neptali Gonzalez ll at dating An Waray party list representative Florencio Noel dahil nabanggit ni Estrada ang maling paggamit ng kanilang PDAF. Nakapagtataka kung ba kit nagbuhos si Noel ng P28 million sa Mandaluyong City samantalang mas maraming mga Waray sa kanilang lalawigan ang naghihikahos at nangangailangan ng tulong. Dapat ding ipaliwanag ni Gonzales ang P6 milyon na hamburger at kung sino sino ang nakakain nito.
Ngayong nagkabistuhan, panahon na upang magpatupad ng makatotohanang reporma sa sistema ng paggastos sa pondo ng bayan .
Kung talagang mapapatunayan na nagkasala si Estrada dapat lang itong papanagutin kasama sina Senators Juan Ponce Enrile at Bong Revilla. Dapat minsanan na para maubos ang mga mambabatas at mga opisyal na nagsamantala sa pondo ng bayan.
- Latest