EDITORYAL - Limampung milyong piso

PAWANG may kaugnayan sa pera ang pinag-u­usapan ngayon. Mula nang mabulgar ang ma­raming pera ni Janet Lim Napoles na nakuha umano sa PDAF ng mga mambabatas, tila karaniwan na lamang ang milyones. Dahil sa dami ng pera, pati bathtub ni Napoles umano ay pinaglalagyan na rin. Pero kung nananagana si Napoles, nananagana rin naman  ang mga senador. Paano’y matapos bumoto pabor sa conviction ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, pinagbibigyan ng tig-P50 milyon. Ito ang binulgar ni Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang isang oras na talumpati sa Senado noong Miyerkules. Si Jinggoy ay isa sa mga kinasuhan ng DOJ at NBI dahil sa misuse ng kanyang PDAF. Itinanggi naman ni Jinggoy ang akusasyon.

Limampung milyon ang binigay sa bawat senador. Tumanggap din si Jinggoy bagama’t hindi naman niya ito inamin. Basta raw bumoto siya pabor sa conviction ni Corona dahil iyon ang kanyang sariling pasya at hindi dahil sa anumang incentives. Tatlong senador lang ang hindi bumoto sa conviction ng dating SC Chief Justice.

Habang marami ang naghihirap at problemado kung saang kamay ng Diyos kukunin ang gagastusin sa araw-araw, marami naman ang nakahiga sa salapi na galing sa buwis ng taumbayan. Habang marami ang maysakit na nakapila sa mga government hospital para makapagpagamot may mga tao namang walang patid kung lumustay ng pondo ng bayan. Habang marami ang mga magulang na namumroblema kung saan kukunin ang pang-tuition ng mga anak, mayroon namang mga pulitiko na abroad nang abroad at ang iba ay nagpapagawa ng bahay sa mga eksklusibo at mayayamang subdibisyon.

Ang P50 milyon na binigay sa mga senador ay ma­rami nang magagawa sa buhay ng mga maralita at nagugutom. Pero hindi iyan nalalaman ng mga inihalal ng taumbayan. Ang alam lang nila ay ang kanilang sarili.

 

Show comments