Huwag ipilit ang pork barrel
IPAGPIPILITAN daw ng House of Representatives sa Supreme Court ang pag-aalis ng temporary restraining order sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). IsaÂsama raw ang mga liham ng mga apektado ng pagpapatigil ng PDAF partikular ang mga scholar at mga benipisaryong mga pasyente o may sakit na mamamayan.
Bakit hindi muna hayaan ng House ang Supreme Court na maglabas ng desisyon na magreresolba ng usapin sa PDAF na may kaugnayan sa legalidad nito. Kung may mga apektadong mag aaral at pasyente, maaari itong gawan ng pamamaraan ng gobyerno. Ipadaan sa Department of Education at Commission on Higher Education (CHED) ang para sa mga scholar at sa Department of Health naman ang mga maysakit.
Baguhin na ang sistema na ang isang mahirap na estudyante at pasyente ay kailangan pang makiusap o mamalimos sa mga kongresista para lamang makakuha ng tulong sa kanilang paÂngangailangan. Alisan ng papel ang mga kongresista sa pagbibigay ng tulong sa mamamayan na ang pinanggagalingan ng pondo ay mula sa buwis. Kung nais na magbigay ng tulong ay kunin nila sa sariling bulsa.
Baguhin din ang sistema ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pasyente. Lalong pinahihirapan ang mamamayan dahil sa pagpila para makahingi ng tulong sa PCSO.
Marami akong natatanggap na reklamo na walang maayos na sistema sa proseso ang PCSO. Marahil ay kakaunti lang ang mga tauhang nag-aasikaso gayung maraming lumalapit na mamamayan sa PCSO. Mag-isip-isip naman ang pamunuan ng PCSO. Dagdagan ang mga nangangasiwa sa papeles ng mga nangangailangang mamamayan lalo ang mga may malubhang karamdaman.
Dahil sa haba ng proseso, bago pa raw matapos ito ay patay na ang ilang pasyente. Ang iba naman ay sumusuko na sa paglapit sa PCSO kaya napipilitan na manikluhod sa mga pulitiko. Sana ay maisaayos ang sistema sa tanggapan ng PCSO.
- Latest