Pangatlo ako!

HINDI ko makakalimutan ang isang anekdota ng aking paboritong titser noong high school:

Laging top one sa kanilang batch sa elementary ang anak ng aking titser. Ngunit isang araw ay naging top 3 na lang ang bata. Iyak ito nang iyak nang umuwi sa bahay. Para mapagaan ang loob ng bata ay sinabi ng aking titser na ang ideal na number sa buhay ng isang Kristiyano ay number 3.

Ang Diyos ang number 1 dapat sa ating buhay. Sa tuwing gagawa ng desisyon sa buhay. Ang una laging isasaisip ay naaayon ba sa aral ng Kristiyano ang iyong gagawin?

Ang kapwa ang number 2. Kung may gagawing desisyon, hindi ba ito makakaperwisyo sa ibang tao. May mga bagay na nakakasiya sa ating sarili pero may natatapakan naman pala tayo.

Saka mo lang iisipin ang sarili sa huling pagkakataon. Pa­ngatlo ako o ako ang number 3.

Kung naging ganito lang ang panuntunan sa buhay ng mga pulitikong “guilty” sa pambubulsa ng pork barrel, sana ay nakakatulog sila nang mahimbing ngayon. Palibhasa ay inuna ang sarili, gulong-gulo ang isip nila ngayon kung sino ang pinakamagaling na abogado na kukunin nila para sila mailusot, eh, mali pala, maipagtanggol sa korte. Mukhang malaking problema ang kakaharapin ng mga sangkot sa pagnanakaw ng kaban ng bayan nang magsalita si Ombudsman Conchita Carpio Morales at sinabing: Maghanap na kayo ng magaling na abogado.

 

Show comments