NAGHAHATID ng takot ang mga nangyayaring krimen ngayon. Karumal-dumal na ang ginagawa sa mga biktima na pagkatapos nakawan ay pinapatay pa. Wala nang natitirang awa ang mga kriminal na kahit mahinang babae at walang kalaban-laban ay kanilang pinapatay kahit pa nagmamakaawa. Mistulang mga demonyo na ang mga gumagawa ng ganitong krimen at dapat lamang na parusahan sila nang mabigat kapag nahuli.
Isang halimbawa ay ang ginawang pagpatay sa advertising executive na si Kae Davantes noong SetÂyembre 7. Ang mga pumatay sa kanya ay anim na kabataang lalaki na ang edad 19 hanggang 21. Tatlo na ang nahuli sa mga suspect at dinetalye kung paano nila pinatay ang kawawang babae. Inabangan daw nila ito habang binubuksan ang gate ng bahay. Tinutukan nila ng baril at sapilitang sinakay sa kotse nito at dinala sa Tagaytay. Nasa isang kotse ang mga kasamahan nila. Kinuha raw nila ang laptop ng biktima. Nakilala raw nito ang isa nilang kasamahan kaya nila pinatay sa pamamagitan ng pagbigti ng cord ng laptop. PinaÂsakan din sa bibig. At ang kalunus-lunos ay sinaksak pa hanggang sa mamatay. Makaraang mapatay, dinala nila sa ilalim ng isang tulay sa Silang, Cavite.
Mga demonyo nga ang mga kabataang ito kaya nagawa ang karumal-dumal na pagpatay. Wala nang kinatatakutan ang mga demonyo lalo na kung nasa ilalim ng bawal na droga. Wala na silang pinangiÂngilagan. Paulit-ulit na gagawa ng karumal-dumal at marami pang bibiktimahin.
Panahon na para ibalik ang death penalty. Kung ano ang inutang ay iyon din ang kabayaran. Kung hindi ibabalik ang death penalty, asahan nang dadami pa ang karumal-dumal na krimen. Maraming mahihintakutan na lumabas ng kanilang mga bahay sapagkat nag-aabang ang mga demonyo sa kanilang daraanan.