Walang natagpuang Methane sa Mars ang robotic spacecract ng National Aeronautics Space Administration na Curiosity na nagsasaliksik sa naturang planeta mula pa noong Agosto 2012, ayon sa kumalat na ulat nitong linggong ito.
Sinasabing nalusaw rito ang isang pag-asa na merong nabubuhay na organism sa Mars dahil na rin sa mga hibla ng Methane na nasilip ng mga telescope mula sa Daigdig at ng mga Orbiter ng Nasa sa atmospera ng pulang planeta.
Ang Methane na lubhang sagana sa Daigdig ay sinasabing isang palatandaan ng buhay sa isang planeta kaya inaasahan sana ng mga scientist na maraming matatagpuang methane kapag nakarating sa Mars ang Curiosity pero hindi ito ang nangyari.
Isa ito sa kahirapan o problema na umaasa lang sa mga computer, robot, telescope, litrato at iba pang makabagong aparato ang mga dalubhasa sa astronomiya sa pananaliksik at pag-aaral sa kalawakan o sa ibang mga planeta. Iba pa rin talaga na merong tao na aktuwal na makapunta sa Mars para matiyak na puwedeng mabuhay dito ang sino man o kung merong nabubuhay na nilalang dito. Pero hindi nga madaling gawin ito kaya nga kadalasang mga robotic spacecraft na lang muna ang ipinapadala roon.
Ano ngayon ang magiging sitwasyon ng mga tao na kinakalap at sinasanay ng ilang pribadong organisasyon o kumpanya sa ibang mauunlad na bansa? Sila ang ipapadala at magtatayo ng unang kolonya ng tao sa Mars. Wala na nga itong balikan. Permanente na sila roon at iyon ay kung makakatagal sila sa mahabang biyahe at matiwasay silang makakarating sa Mars. Kung totoo ang report na walang methane sa Mars, nadagdagan ang implikasyon sa kakaharapin ng sino man na makakapunta roon. Pero, ayon naman sa lead researcher na si Christopher Webster ng Jet Propulsion Laboratory ng NASA sa Pasadena, California (USA), baka naman wala lang methane sa isang bahagi ng Mars na unang nilapagan ng Curiosity. Magpapatuloy pa rin anya ang pananaliksik nito.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)