Sa ika-11 araw kahapon ng Zambo crisis, nasa 116 na ang death toll sa naganap na mga bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front na paksyon ni Nur Misuari.
Bagamat unti-unti na umanong nababawasan ang sagupaan dahil sa pag-atras ng tropa ng MNLF kasama ang may 20 natitirang hostages, kahapon isang junior officer pa ng Phil. Army ang nakasama pa sa bilang ng nasawi.
Sa bakbakang naganap sa Brgy. Sta Barbara kahapon ng umaga napatay si 1st Lt. John Kristopher Rama, 30, PMA Class 2008 at tubong Norzagaray, Bulacan.
Sa 116 bilang na nasawi sa Zambo crisis, umaabot sa 12 ang nasawing sundalo, 108 ang su-gatan; sa panig ng pulisya 3 ang nagbuwis ng buhay at 12 ang sugatan, habang pito ang nasawing sibilyan at 67 pa ang nasugatan. Ang natitirang bilang ay ang mga nasawi sa panig na ng kalaban.
Sa ganitong mga pagkakataon kung saan ang nasa front line ay ang ating mga kasundaluhan kasama ang kapulisan, ay doon lang halos nabibigyan ng kaukulang pansin o atensyon ang panganib na sinusuong ng mga ito dala ng kanilang tungkulin at pagtatanggol sa sambayanan.
Karamihan sa mga ito ay mga ordinaryong personnel, ito ang mga hindi kadalasang nakikita sa mga malalamig na tanggapan .
Sila ang sanay sa mga maiinit na barracks , sana’y sa init ng araw.
Walang reklamo ang mga yan, sunod at sunod lamang.
Nakakalungkot na makita ang mga kasundaluhan at kapulisan na mga ito, na makikitang mukhang kulang sa alaga. Hindi lamang sa kanilang mga pangangailangan, maging sa kanilang mga personal na kagamitan.
Aba’y isinasabak na sa giyera, makikita pa sa ilang larawan na wasak ang suot na combat shoes.
May lumabas pa ngang mga larawan na ang mga sun-dalong isinabak sa labanan, sa gilid-gilid na daan habang nakakubli sa kanilang kalaban ay doon nagluluto ng kanilang kakainin o doon nagsasaing. Nasusuplayan kaya ang mga ito ng kanilang makakain sa araw-araw, at nang hindi magutom sa labanan?
Sa ganitong pagkakataon dapat na lalong maipadama sa kanila ang suporta at alaga.
Ngayong papatapos na ang kaguluhan, na sana nga, ay huwag na ring makalimutan ang mga tropa sa front line. Kahit pa nga ito ay kanilang tungkulin sa bayan, kahit na maliit na pagkilala ay napakahalagang bagay.