‘Fixers’

NAGKALAT ang mga fixer sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Hindi pa rin matinag-tinag ang kanilang mga operasyon! Sila ‘yung  mga nag-aalok ng “tulong” o serbisyo sa publiko para mapabilis umano ang proseso ng aplikasyon.

Paulit-ulit nang nagbabala ang bawat ahensya ng gobyerno, pulisya at maging ang mga media katulad ng BITAG na huwag makikipag-transaksyon sa mga fixer. Pero marami pa rin ang mga nabibiktima ng mga manggagantso!

Ang kanilang iskrip, hindi na mahihirapan pa sa pagpopro­seso ang kanilang “kliyente” kung magkakasundo sila sa presyo. Kuwidaw! Baka mabiktima kayo sa kalituhan at panloloko.

May mga pagkakakilanlan ang mga fixer. Una, hindi empleyado sa ahensyang inaaplayan mo pero may koneksyon sa “loob”. Ito ‘yung mga nakaabang lagi sa labas ng mga tanggapan ng gobyerno.  Pangalawa, maaaring empleyado nga ng ahensyang pinuntahan mo pero walang kinalaman sa iyong sadya.

Matutukoy din na fixer ang iyong ka-transaksyon kung wala silang mga tanggapan at kadalasang sa mga fast food chain lang nakikipagkita sa kanilang mga “kliyente.”

Malalaman mo nalang na nadenggoy ka sa transaksyon mo kapag na-reject ang aplikasyon mo sa ahensyang pinuntahan mo dahil puro peke ang papeles na ibinigay nila sa’yo!

 Bistado ng BITAG ang ganitong hokus-pokus! Pero patuloy itong mamamayagpag hanggat mayroong mga willing victim na kakagat sa pain ng mga manggagantso!

 Paalala ng BITAG sa publiko, ‘wag makikipag-transaksyon sa mga nag-aalok ng serbisyo sa labas ng mga tanggapan.  Mabuting makipag-ugnayan sa mga lehitimong empleyado na nasa loob mismo ng tanggapan na makikilala sa pamamagitan ng kanilang ID.

Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5 o via live streaming sa www.bitagtheoriginal.com/bitagsaradyo. Sa mga episode ng PINOY-US Cops – Ride Along at BITAG, ugaliing mag-log on sa www.bitagtheoriginal.com.

Show comments