Lampong (406)

“WALA pa pong nagpupunta rito. Bakit po, Sir Dick?” tanong ni Mulong na nagtataka pa rin.

“Basta pag may dumating diyan, siya ang kukuha sa one fourth na mga dumalagang itik. Pakibigay na lang sa kanila. Siya si Mr. Chan. Pero hindi lalampas sa one fourth. Iyon lang ang kukunin nila.”

Gulung-gulo pa rin si Mulong. Hindi maunawaan kung bakit may Intsik na kukuha ng mga du­malaga.

“Ibinenta mo ba sa kanila ang one fourth ng itikan, Sir Dick?”

“Oo. Nakapirma na ako sa kasulatan. Pero itik lang ang ku­kunin nila, hindi kasama ang lugar.’’

Nagtataka pa rin si Mulong kaya nagtanong muli. Mas maganda na ang malinaw.

“E ano po ba ang nangyari Sir Dick?”

“Saka ko na lang ipali­liwanag ang lahat, Mulong. Basta isang maselan na bagay at dahil dun nagawa kong ipagbili ang mga du­malagang itik.’’

“Alam po ba ni Mam Jinky?”

“Hindi! Nariyan ba si Mam Jinky mo?”

“Wala po, Sir Dick?”

“Nasaan siya, Mulong?”

“Ang sabi po sa amin, pupunta siya sa Maynila dahil may aasikasuhin sa birth certificate ng anak…”

Nabigla si Dick. Nasa Maynila pala si Jinky.

“Kailan pa siya narito, Mulong?”

“Kahapon po siya lumuwas.”

“Ano pa ang sabi niya?”

“Kami na raw po muna ang bahala rito.”

Nag-isip si Dick. Bakit kaya bigla siyang kina­bahan?

“Sige Mulong, ikaw na muna ang bahala in case dumating si Mr. Chan.”

“Opo, Sir Dick.”

Natapos ang usapan nila.

KINABUKA­SAN, dumating na si Mr. Chan at mga bodyguard nito.

“Ako na ang may-ari ng itikan na ito. Ito ang katibayan.”

“Teka-teka. One fourth lang ang sabi ni Sir Dick.”

“Loko ka pala e ito nga at nakasaad sa pinirmahan niya! Akin na ang itikan.”

(Itutuloy)

 

Show comments