Bayaning 6-year old, niligtas ang nakababatang kapatid na masasagasaan ng kotse
ANIM na taong gulang lamang si Ramona Gibbs pero nagpakita na ng kakaibang kabayanihan nang iligtas ang kanyang kapatid na masasagasaan ng sasakyan. Itinulak niya ang kapatid na si Trixie, 3-taong gulang at nakaligtas subalit siya naman ang nahagip ng sasakyan.
Naglalaro sa kalsada sa harap ng kanilang bahay sa Bristol, England sina Ramon at Trixie. Masayang-masaya ang kapatid sa paghahabulan. Hindi naman sila sa gitna ng kalye naglalaro kundi sa gilid lang.
Nang walang anu-ano, isang sasakyang mabilis ang takbo ang nawalan ng control habang lumiliko ang tumumbok sa kanila. Ang nagmamaneho ng sasakyan ay isang 94-anyos na lolo. Sa halip na ang brake ang matapakan ng matanda, ang gas pedal ang natapakan kaya lalong bumilis ang pagtumbok.
Iglap na nakita ni Ramona ang nakaambang kamatayan sa kanilang magkapatid. Sa halip na umiwas, mabilis niyang itinulak si Trixie. At siya ang nahagip ng sasakyan. Ang matindi, bumangga pa ang sasakyan sa nakaparadang Land Rover at naipit doon si Ramona.
Nabali ang kanyang binti at tadyang, na-damaged ang atay at baga at nagkaroon ng internal bleeding. Anim na operasyon ang ginawa sa kanya. At isang himala ang nangyari sapagkat nakaligtas siya sa kamatayan.
Maraming humanga kay Ramona sa ginawang pagliligtas sa kapatid. Binigyan siya ng parangal dahil sa kabayanihan.
- Latest