NAPAULAT na nakapili na ng dalawang Pilipino na mapapasama sa iba pang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo na ipapadala sa international Axe Apollo Space Camp sa Florida, U.S. Sasanayin sila sa mga bagay na may kinalaman sa pagbibiyahe sa kalawakan. Kinilala sa ulat ang dalawa na sina Air Force pilot Lt. Mario Mendoza Jr., 31, at Evan Ray Datuin, 24. Hindi nabanggit kung ano ang propesyon ni Datuin pero, bukod sa kanilang dalawa, may isa pa silang makakasabay na Pilipino na pipiliin sa pamamagitan ng isang raffle promo ng Axe sa internet.
Sinasabing, sa gagawing pagsasanay sa U.S. Space Camp, isa lang sa tatlong Pilipinong ito ang pipiliin para mapabilang sa may 20 katao na ipapadala sa kalawakan. Ang mapipiling ito ang maituturing umanong unang astronaut na Pilipino.
Isa itong inisyatiba ng pribadong sektor sa pagkakaalam ko bagaman merong partisipasyon dito ang ilang mga astronomer at iba pang kinauukulang dalubhasa. Mukhang isa pa rin itong bahagi ng space tourism na itinataguyod ng iba’t ibang pribadong kompanya na sumasangkot sa space exploration.
Tila meron lang kalituhan lang dito dahil sa dami at iba’t ibang pribadong institusyon at kumpanya sa mauunlad na bansa tulad sa U.S. ang nagsasagawa ng sari-sari ring proyekto sa pagpapadala ng tao sa kalawakan o sa ibang planeta. Ang mga makakapasa sa pagsubok sa U.S. space camp, sila ba ang ipapadala sa Mars o papasyal lang sila sa orbit ng mundo? Iyong sa mga pupunta sa Mars, habambuhay na sila roon at walang katiyakan kung makakabalik pa sila sa daigdig. Gayunman, tiyak na may makakasama ritong Pilipino at nakakataba rin ng puso na hindi rin naiiwan ang Pilipinas sa space exploration.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)