MISMONG si Justice secretary Leila de Lima na ang nagsabing duda siya sa ilang matataas na opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI). Posibleng sangkot umanoy sa ilegal na aktibidad.
Inamin ni De lima na wala siyang matibay na ebidensiya subalit patuloy na lumulutang daw ang mga pangalan ng mga opisyal ng NBI na dawit sa iligal na gawain.
Kaya naman ito ang nagbunsod upang hayagang sabihin ni De Lima na magbitiw na sa tungkulin ang ilang deputy director ng NBI. Sinikap niyang habulin ang naging irrevocable resignation ni Director Nonnatus Rojas.
Pero hindi nakumbinsi ni De Lima si Rojas kahit pa ito ay nakausap na raw ni President Noynoy Aquino na pinipigil ang pagbibitiw. Kaya tuloy na ang paglisan ng NBI chief.
Kung walang ebidensiya si De Lima, makabubuting isailalim na lang niya sa lifestyle check ang mga opisyal ng NBI na pinaghihinalaang sangkot sa illegal activities. Mas mabuti pa kung lahatin na upang matiyak na malinis ang NBI.
Mas madaling matukoy kung may ginagawang milagro ang ilang NBI officials dahil mas madaling makita rito ang uri ng kanilang pamumuhay kung ito ba ay angkop sa kanilang suweldo at posisyon sa gobyerno.
Sa ngayon ay mayroong ilang opisyal ng NBI na nagmamay ari pa ng mga luxury cars. Dapat alamin ni De Lima kung saan ito galing at tukuyin ang pinagkunan nito.
Makakabuti ang lifestyle check dahil magkakaroon ng kalinawan sa nasabing isyu. Ang mga walang ginagawang masama sa NBI ay malilinis ang pangalan gayundin ng buong institusyon.
Importante ang papel na ginagampanan ng NBI lalo na sa imbestigasyon sa P10 billion pork barrel scam at ang alegasyong may nagtangkang mangikil umano kapalit ng pag-atras sa kaso laban kay Janet Lim-Napoles.
Maraming tauhan ng NBI ang matitino at noon ay mas ito pa nga ang pinagtiwalaan ng publiko lalo na sa paghawak ng mga kaso kumpara sa PNP at iba pang law enforcement agency.
Kailangang linisin agad ni De Lima ang imahe ng NBI upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Muling saluduhan si NBI Director Rojas dahil aalis ito sa NBI na mataas ang kredibilidad. Mayroon siyang delikadesa.