HINDI umano dapat pinalitan ng Sulpicio Lines ang pangalan ng kanilang kompanya sapagkat maaaring maging daan ito upang malusutan ang mga pananagutan sa mga pasahero nang nalubog nilang mga barko. Ang mga barko ng Sulpicio Lines ang may pinaka-maraming trahedya na nangyari kung saan libong tao ang namatay.
Nagawa ng Sulpicio na palitan ang kanilang paÂngalan at ngayon ay tinatawag nang Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC) dahil sa mabagal na pagpapalabas ng resolusyon ng Maritime Industry Authority (MARINA). Hanggang ngayon, patuloy na nakapaglalayag ang mga barko ng Sulpicio Lines. Ayon sa report, mabagal magpalabas ng resolusyon ang MARINA sa pagkansela ng certificate of public conÂvenience ng Sulpicio. Noong 2008, nagsampa ng kaso ang Public Attorneys Office (PAO) laban sa Sulpicio dahil sa paglubog ng MV Princess of the Stars kung saan 437 tao ang namatay. Pero hanggang ngayon, limang taon na ang nakalilipas, wala pang resolusyon ang MARINA. Ayon sa PAO, hindi rin dapat pinayagan ng MARINA na makapagpalit ng pangalan ang Sulpicio.
Nararapat imbestigahan ang MARINA sa isyung ito. Dahil sa mabagal nilang pagpapalabas ng resolusyon, nakapaglalayag ang mga barko ng Sulpicio. Kung mabilis silang umaksiyon, hindi na sana nangyari ang banggaan ng cargo ship Sulpicio Express Siete at M/V Thomas Aquinas noong Agosto 16, 2013 sa karagatan ng Cebu. Sa huling report, 106 na ang bilang ng mga namatay at may 30 pang nawawala. Padaong na ang Thomas Aquinas sa Cebu port at paalis naman ang Sulpicio Express nang magbanggaan. Sa ginawang pagdinig, nagtuturuan ang mga kapitan ng dalawang barko kung sino ang may kasalanan.
Malaki ang pananagutan ng MARINA kung bakit nakapaglayag pa ang mga barko ng Sulpicio. Dapat noon pa nila kinansela ang certificate of public conÂvenience ng mga barko. Hindi lamang mga may-ari ng barkong sangkot ang nararapat panagutin kundi pati ang MARINA. Imbestigahan ang tanggapang ito at parusahan ang mga nagkulang.