MAITUTURING natin na bayani ang whistleblowers na nagbisto sa pag-abuso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga senador at kongresista. Kung hindi dahil sa mga whistleblower, walang kaalam-alam ang lahat na pinagpapasasaan ito nang husto ng mga mambabatas.
Mahabang panahon na umano ang sistemang ginamit si Janet Lim-Napoles sa P10 bilyon pork barrel scam kaÂsabwat ang mga tiwaling mambabatas.
Dapat ay maikorek na para bang bidang-bida ngayon ay ang Commission on Audit dahil sa inilabas nilang findings. Lumilitaw na may mga umabusong kongresista at senador sa kanilang pork barrel matapos na mapunta sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles. Tahimik lang naman ang COA noong hindi pa lumalabas ang whistleblower. Sumakay lang ang COA sa isyu dahil pinag-uusapan na ang pork barrel. Ang masaklap, tila gustong idiin lang ng COA ay ang mga naganap na transaksiyon sa Arroyo administration.
Maraming dapat na ipaliwanag ang COA. Noong 2010, sa pagpasok ng Aquino administration sana ay kumilos si Chairperson Grace Pulido-Tan para siyasatin ang kanyang mga tauhan kung bakit walang inilalabas na findings taun-taon sa pork barrel ng mga senador at kongresista. Sa testimonya ng ilang whistleblower, nakapag-operate pa si Napoles at pekeng NGOs nito hanggang 2012.
Usap-usapan na tradisyon na raw sa gobyerno na pinagkakakitaan ng ilang tiwaling mambabatas ang kanilang pork barrel kaya tinawag na ngang SOP ang komisyon umano sa bawat proyektong kanilang popondohan.
Sana hndi na masayang ang paglalantad ng mga whistleblower sa pag-abuso sa pork barrel at may makulong na senador, kongresista at mga kasabwat. Busisiin din ng COA at agad na ilabas ang kanilang findings sa paggamit ng pork barrel mula sa 2010 hanggang 2012 para malaman kung sino ang mga umabuso sa pondo.
Mahigpit ang BIR sa paniningil ng buwis at sana naman ay maging masinop sa paggastos ang gobyerno sa buwis ng taumbayan.