UMAABOT na sa mahigit 60 ang mga biktima ng banggaan ng passenger ferry MV St. Thomas Aquinas at cargo vessel Sulpicio Express Siete sa karagatan ng Talisay City, Cebu. Marami pa umanong nawawala at pinaniniwalaang nasa loob ng Thomas Aquinas. Na-trap ang mga pasahero sa loob nang biglang lumubog ilang minuto makarasang banggain umano ng Sulpicio. Naganap ang banggaan noong nakaraang Biyernes ng gabi. Galing Nasipit, Agusan del Sur ang ferry samantalang kaaalis lang sa Talisay port ang cargo vessel. Apat na kilometro ang layo ng dalawang barko sa port.
Ayon sa Philippine Coast Guard magkakaroon nang masinsinang imbestigasyon sa pangyayaring ito kapag natapos na ang search and rescue operation sa ferry. Hindi pa alam kung kailan matatapos ang paghahanap sa mga nawawala pa dahil napuputol ang operasyon dahil sa malalaking alon. Isa sa mga nakikitang dahilan nang banggaan ay human error. Ayon sa Coast Guard, maaaring nagkamali ang mga opisyal ng dalawang barko kaya naganap ang trahedya. Ayon umano sa navigation rules, nararapat ipihit sa kanan ang barko kapag may magaganap na collision. Ayon sa report, hindi naipihit sa kanan ang isa sa mga barko kaya nagkaroon ng banggaan. Pero ayon sa Coast Guard, iimbestigahan pa nila itong mabuti.
Tiyak na magkakaroon na naman ng pagtuturuan sa pangyayaring ito kapag nakasalang na ang opisyal ng barko. Walang aamin sa kasalanan. May mga bumabatikos naman sa MARINA na dapat daw ay hindi na pinapayagang makabiyahe ang mga lumang barko. Umano’y luma na ang Thomas Aquinas at hindi na ito dapat ibiniyahe. Minsan na rin umano itong na-figure sa isang aksidente noon. Ayon naman sa iba, ang cargo vessel Sulpicio ay hindi rin dapat pinaglalayag dahil sa dami ng mga kinasangkutang aksidente ng mga barkong pag-aari ng Sulpicio sa nakaraan.
Tiyak ang imbestigasyon sa banggaan ng dalawang barko pero ang tanong ay mayroon kayang marating? Sana naman ay meron. Nararapat malaman kung sino ang may kasalanan at pagbayarin sa nangyari. Dapat ding magkaroon ng inquiry kung mayroon nga bang kakayahan o kasanayan ang mga kapitan ng barko. Ba’t sila magbabanggaan sa kalawakan ng dagat?