ANG wika ay katangiang kumakatawan sa lupon ng mga tao. Sa mga nagdaang taon, maraming artikulo at pag-aaral ang inilabas hinggil sa mga salitang Filipino na walang direktang salin sa Ingles. Nariyan ang gigil o pasma, torpe, etc. Nang i-google ko ang talang ito, naaliw akong makabasa ng mga salitang hindi lamang walang English counterpart, kundi mga salitang tayo lang ang nag-imbento. Namulat tuloy sa isipan ko na ang wika ay sumasalamin sa kultura ng isang bayan. May mga salitang walang salin sa ibang wika dahil wala ang mga ito sa kultura nila.
Ang mga salitang tinutukoy ko na walang salin sa Ingles ay ang: Gigil (Nakakagigil ang batang ito sarap kurutin!); Pang-ilan (Pang-ilang president na ba si Noynoy?); Ginawin (Giniginaw ako sa aircon.); Puyat (Puyat ako mula sa nightshift sa call center.); Malambing (Napakalambing ng boyfriend ko.); Pintasera (Akala mo kung sinong maganda, napakapintasera!); Pasma (Naligo ka kasi pagkatapos mamlantsa, ayan napasma ka tuloy.); Usog (Puwera usog, baby!); Torpe (Napakatorpe nitong manliligaw ko, ako na kaya ang magda-moves?).
Maliban sa mga one-word Filipino word na ito, mayroon ding mga salitang binuo na marahil ay bunsod ng mga karanasan. Narito ang ilang halimbawa: Bahala na – mangyari na ang mangyayari, kahit ano na lang, hindi na natin saklaw ang mangyayari, wala akong magagawa riyan. Sinasalamin nito ang attitude ng mga Pilipino pagdating sa mga bagay na sa tingin nila ay wala silang kontrol, kaya ipinapaubaya na lang nila sa Diyos, tadhana o pagkakataon; Mañana habit – Mamaya na. Ang pagde-delay ng mga gawaing kailangang tapusin. Bukas na hanggang sa hindi na nagawa; Filipino time – hindi pagdating sa takdang oras na pinag-usapan. Tayong mga Pilipino lang ba ang may ganitong attitude? Siguro.
Sa aking pananaliksik, may mga nadaanan din akong mga salitang binabaliktad o pinagdurugtong ang mga una at huling baybay na binaliktad din. Naaliw ako sa bahaging ito. Yosi – SIgarilYO; Utol – kaputol (o mula sa parehong puno, o parehong pinanggalingan.); Kano – amerikano; Astig – Tigas na binaliktad lamang – taong ‘macho’ o bully; tsikot – Kotse na binaliktad; goli – ligo na binaliktad.
Ang gay lingo ay hiwalay na umbrella pa sa ilalim ng wikang Filipino. Ang Tom Jones, Haggardo Verzosa na talagang sumasalamin sa kultura ng mga Pilipino. May Gardo Versoza pa ba sa ibang bansa?
Ang galing ‘no? Nakaaaliw matuklasan kung gaano kagaling at sumasalamin sa kultura ang wikang ginagamit ng mga tao. Maligayang Buwan ng Wika.