‘Sariling mundo ni Archie’

‘ONE bad apple spoils the whole bunch’. Isang kasabihang banyaga na ang ibig sabihin, isang bulok na mansanas ang ihalo mo sa iba mabilis na hahawa at di magtatagal pare-pareho na silang ’di mapapakinabangan.

Ina ng isang problemadong anak ang nagtungo sa aming tanggapan, si Narcisa Gormate, 50-taong gulang, nakatira sa San Juan City. Pakiramdam niya, anumang sandali maaaring bumigay ang kanyang anak na si Archie Gormate, 28-taong gulang at trahedya ang kahihinatnan.

“Gumagamit ng shabu ang anak ko kaya iba na ang takbo ng pag-iisip,” pahayag ni Narcisa.

Para itong nagbalik sa pagkabata. Kapag pinaglalaruan ng anak niyang tatlong taong gulang ang LPG, hindi nito sinasaway. Parang tuwang-tuwa pa ito sa ginagawa ng anak at hindi iniisip ang masamang maidudulot nito sa kanila.

“Ang inaalala ko, baka sumabog yun at masunog ang bahay namin,” salaysay ni  Narcisa.

Kung saan-saan din daw nito tinatapon ang tirang sigarilyo na may baga pa. Nagsasayang din ng bigas at namemerwisyo ng kapitbahay. Kailangan pa itong bantayan dahil wala sa huwisyo ang takbo ng utak.

“Nung minsan may dumaan sa bahay. Kakilala ata siya, pinalo siya sa pwet,” kwento ni Narcisa.

Ilang sandali matapos pumasok ng bahay si Narcisa lumapit ang kanyang asawa. “Yung anak mo nambugbog na naman!” wika nito.

Hindi na mabilang ang pagkakataon, inireklamo na naman si Archie sa barangay.

Nagtatrabaho bilang kasambahay si Narcisa para may ipangtustos sa kanilang pamilya. Siya ang nag-aalaga sa tatlong anak ni Archie. Ang asawa niyang si Nieto ay isang karpintero.

Si Archie ang inaasahan nila noon na tutulong sa pag­hahanapbuhay.

Mahilig si Archie mag­basketball kaya nung nasa hayskul pa ito naging ‘varsity player’ kaya naging iskolar sa Florida Institute, San Perfecto, San Juan.

Pagtuntong niya ng ika­lawang taon sa sekondarya nagsimula na siyang magbulakbol. Laging sumasama sa barkada, hindi pumapasa sa mga subject kaya na-kick-out sa eskwelahan. Mula nun naging­ palaboy ito at bihira na kung umuwi.

Taong 2012 nang matuklasan nilang gumagamit ito ng shabu.

“Pina-rehab namin siya. Walong buwang namalagi dun,” pahayag ni Narcisa.

Nang makalabas si Archie naging normal ulit ang takbo ng utak nito. Pumapasok sa konstraksyon at nakakatulong na sa pamilya.

Ngunit sadyang madalas siyang mabuyo ng barkadang adik kaya kalaunan muli itong nalulong sa masamang bisyo.

“Hindi ko alam kung papaano ang gagawin ko sa anak ko. Wala na akong pera pampagamot sa kanya,” wika ni Narcisa.

Maging ang asawa nito ay pinagbubuhatan ng kamay. Binubugbog at laging ina­akusahan na may karelasyong iba.

“Aalisin ko ang sampung demonyo sa ulo mo!” paulit-ulit umano nitong sabi.

Ito ang naging dahilan kung bakit siya hiniwalayan.

Kapag sinusubukan nilang dalhin sa ‘rehabilitation center’ si Archie iginigiit nitong hindi na kailangan dahil magaling na siya.

“Ang gusto ko lang, ma­ilagay sa isang institusyon ang anak ko. Natatakot ako hindi lang para sa amin kundi para na rin sa mga bata,” wika ni Narcisa.

Hulyo 6, 2013... habang nasa bahay ng kaibigan niya si Archie at kasalukuyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot pinasok ng mga pulis ang kwarto. Hinuli at agad nila dinala sa ‘Hospital for Mental Health’ para masuri.

Makalipas ang ilang araw nagbalik sa aming tanggapan ang manugang ni Narcisa na si Jayson Borillo.

“Pati po si Nanay ikinulong nila sa mental,” wika nito.

Pinaiwan daw doon si Narcisa para may magbantay kay Archie. Ayon din sa kanila delikado sa lugar na yun dahil baka saktan lang ang kanyang biyenan dahil puro may kapansanan sa pag-iisip ang kasama sa kulungan.

“Mataas pa naman ang presyon ni nanay. Baka kung mapano siya dun. Halos isang linggo na siyang nakakulong,” dugtong pa ni Jayson.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Narcisa.

Nakipag-ugnayan kami sa Mayor’s office ng Mandaluyong kay Mayor Benjamin Abalos upang matulungan sina Narcisa. Inatasan si kaibigan Jimmy Isidro ni Mayor para matulungan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kadalasan ang ganitong pangyayari sa ating mga anak ay nasa paraan ng ating pagpapalaki. Karamihan nawawalan na tayo ng oras sa kanila at hinahayaang ang mga kaibigan ang kasama sa paglaki dahil abala tayo sa paghahanapbuhay.

Kahit kaunting panahon kailangan maglaan din tayo dahil ito ang huhubog sa kanila kung paano makisama at makisalamuha sa iba.

Ang unang payo ko ay kilalanin ang mga barkada ng inyong mga anak dahil malakas ang impluwensya nito sa kanila lalo na’t araw-araw at mara­ming oras silang magkasama.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) 

Sa gustong dumulog magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong­ mag­text sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla­), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com.

Show comments