Ang Red Carnation ni President McKinley

May mga Amerikano rin na naniniwala sa pamahiin. Isa si William McKinley, ang 25th President ng US mula 1897-1901. Kinaugalian na niyang maglagay ng  red carnation sa bulsang nasa may dibdib ng kanyang Amerikana dahil ilang beses na niyang napatunayan na nagbibigay ito sa kanya ng suwerte.

Kapag may lumapit sa kanyang tao at nanghihingi ng pabor pero hindi niya napagbigyan, ang kanyang gagawin ay ibibigay niya ang red carnation sa taong binigo niya upang kahit paano ay suwertehin din ito kagaya niya. Minsan ay may dalawang batang lalaki na dumalaw sa kanya sa White House. Natuwa ang presidente sa dalawa kaya’t ang nag-iisa niyang red carnation sa bulsa ng Amerikana ay ibinigay niya sa isang bata. Nahalata niyang nagtampo ang isang bata kaya hinugot niya ang isang red carnation na nakadispley sa flower vase. Malakas ang kanyang paniwala na susuwertehin ang mga taong binibigyan niya ng red carnation.

Naimbitahan siya sa Pan-American Exposition sa Buffalo New York noong 1901. Maraming tao ang lumapit sa kanya para makipagkamay. Isang batang babae na nakipagkamay ang kinatuwaan ng mabait na presidente. Kaagad niyang kinuha ang nag-iisang red carnation sa kanyang dibdib at ibinigay sa bata. Habang wala na siyang lucky charm sa kanyang katawan, isang lalaking nakihalo sa mga nakikipagkamay ang lumapit sa kanya. Bigla nitong binaril ang presidente nang malapitan. Hindi nahalata ang baril dahil kunwa’y may benda ang kamay nito pero baril pala ang nakatago dito. Pagkaraan ng walong araw ay namatay ang presidente. Nahuli ang bumaril at nasentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng silya elektrika.

Show comments