Sa loob at labas nitong ating bansa
Ang mga trahedya’y hindi nawawala;
Daming namamatay at tumitihaya
Na likha ng tao’y masamang nilikha!
Saka may trahedyang dulot ng panahon
Panahong maganda’y bihira na ngayon;
Walang anu-ano’y may baha at lindol
Tahanan at tao’y biglang nalilipol!
Matinding trahedyang ngayo’y nagaganap
Sa ating gobyerno ay lubhang talamak
Ang graft at corruption na nagpapahirap
Sa mayama’t dukhang dito’y inianak!
Bakit nga ganito ang takbo ng buhay
Na nagpapahirap sa bayang lupaypay?
Kailan matatapos ang trahedyang bigay
Ng ating sariling mga kababayan?