Masustansyang pagkain laban sa kanser (Part 1)

MAY mga pagkain bang panlaban sa kanser? Oo, ayon kay Dr. David Servan-Schreiber, pinuno ng Center of Integrative Medicine sa University of Pittsburgh School of Medicine at tanyag na autor ng librong Anticancer: A New Way of Life.

Ayon sa libro ni Dr. David, heto ang mga listahan ng mga panlaban sa kanser:

1. Green tea – Ang green tea ay may sangkap na catechins, na nagpapabagal sa paglaki ng tumor. Ayon kay Dr. David, painitin ang green tea ng 5-8 minuto, at uminom ng 2 basong green tea bawat araw. Piliin ang green tea na non-caffeinated, para walang side effect.

2. Pagkaing may curry – Ang dilaw na curry ay mabisang panlaban sa pamamaga ng ugat. Sa pagsusuri, nakatutulong ang curry sa mga taong nagki-chemotherapy para mapabagal ang paglaki ng bukol.

3. Luya – Ang luya ay matagal nang ginagamit sa Asia para gamutin ang pagduduwal, pagsusuka, ubo, sipon sakit ng ulo, sakit ng tiyan at arthritis. Ang matinding amoy nito ay nanggagaling sa sangkap na gingerols, na nagpapagaling sa mga sintomas na nabanggit. May tulong din ang luya sa pagsugpo sa kanser.

4. Cabbages -- (tulad ng bok choy, broccoli, cauliflower at brussels sprouts). Ang cabbages (repolyo) ay may sangkap na sulforaphane at indole-3-carbinols, na mabisang panlaban sa kanser. Sa pagluluto ng gulay, i-steam o lutuin lang ng bahagya na may kasamang olive oil. Huwag pakuluan ang gulay dahil mawawala ang bisa nito laban sa kanser.

5. Bawang, sibuyas at leeks – Sa pagsusuri, ang mga sibuyas ay malakas pumigil sa paglago ng cancer cells. Ang bawang ay may sangkap na allyl sulfides, na tumutulong sa pagsugpo ng kanser sa colon, suso, baga at prostate. Para maging epektibo, ang bawang ay kailangang durugin at prituhin ng kaunti. Huwag sunugin! Puwede ring kainin ng hilaw ang bawang, pero mag-ingat lang at nakahahapdi ito ng sikmura.

6. Madilaw at mapulang gulay at prutas – Ang mga pagkaing ito ay sagana sa beta-carotene, vita­min A at lycopene, na maaaring makapigil sa kanser. Kumain ng maraming karots, kamote, kalabasa at kamatis (4 K’s). Napakasustansya po nito. Sa isang pagsusuri ng breast cancer patients, napatunayan na ang mga pasyenteng malakas kumain nitong mga 4 K’s ay mas humahaba ang buhay kumpara sa mga hindi kumakain nito.

Sa susunod na Linggo: Ang anim pang mga pagkaing pan-laban sa kanser. Abangan!

 

Show comments