Eleksyon sa barangay baka mas maging mainit

Matindi ang isinagawang registration ng mga botante para sa nalalapit na SK at barangay elections sa darating na Oktubre.

Sa sampung araw na voters registration, aba’y dinaig pa ang naganap na local at national elections noong nagdaang Mayo 13.

Matindi at talagang doon mo makikita na dagsa at desidido ang mga ito na matindi ang pagnanasang makapagparehistro.

Mukhang mas interisado ang mga ito sa gaganaping SK at barangay polls kaysa noong nagdaang midterm elections.

Ang kapuna-puna pa rito, sa ilang araw na itinakdang registration parang hindi nangongonti at habang papalapit yung deadline lalong dumarami ang nagnanais na magparehistro.

At saka hindi lang yan,  sa nagtiyaga sa hindi mahulugang karayom na pila,   inabot na ng ulan at init aba’y hindi sila umaalis . Hindi nga ba’t sa ilang lugar eh nagkaroon pa ng  stampede.

Talagang matindi sa matindi ang ganitong pangyayari at ang malaking tanong dito eh, Bakit?

Nakakapagtaka talagang bulto-bulto ng tao ang dumarating sa mga tanggapan ng Comelec para magparehistro.

Naniniwala ang Comelec na sa dagsa ng tao sa kanilang mga tanggapan, nagkaroon umano ng ‘Hakot system’.

Hindi nga ba’t katatapos lamang ng national at local elections, ang mga ito ba eh hindi nakapagparehistro at hindi nakaboto noon at ngayon sila nagpipilit sa isasagawang eleksyon sa barangay at SK.  Talagang makikipagpatayan para makapagparehistro, kaya isa uling malaking, Bakit?

Sa inaasahang bilang ng Comelec na 1 milyon na ba­gong botante sa barangay polls at 2 milyon sa SK sa pila, nakakagulat umano na may mga matatandang nakapila na pinaniniwalaang rehistrado na.

Ngayon, paano  matitiyak ng Comelec hindi ito magagamit sa flying voting at double registration.

Talaga palang mas matindi ang eleksyon sa barangay at SK, ito kaya ay dahil sa may malaking budget dito. Nagtatanong lang po!

Ang nakakatakot pa nga rito, eh baka mas madugo pa ito kaysa sa nakalipas na eleksyong naganap.

Show comments