‘Walang atrasan’
“MAPIPILITAN KANG buksan ang pinto kung ang kuma-katok ay nangangakong magbibigay ng ginto.â€
Nagtungo sa aming tanggapan si Analyn del Rosario, 37, taga Laurel, Batangas. Kwento nya sa amin hindi na daw ibinabalik ang kanyang passport ng ahensyang pinag-applayan nya. “Sabi sa akin magbigay muna ako ng P15, 000 bago ko makuha yun pero wala naman akong ganung halaga†wika nya.
Isang labandera si Analyn na umeekstra bilang tagahugas sa isang catering business sa Batangas. Laborer ang asawa nyang si Edwin, 42, at may apat silang anak. Gradweyt ng highschool ang kanilang panganay na si Nathaniel, 18 habang sila Yves Angelo, 16 at Princess, 14, ay nag-aaral pa. Namatay naman sa cancer yung bunso nyang anak na si Viene May, 7, nung 2010. Dahil sa hirap ng buhay nangarap syang mangibang bansa. Tinanong nya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay kung may kakilala silang makakatulong sa kanya upang maisakatuparan ang kanyang pangarap. Taong 2009 nung ipakilala sa kanya ng kanyang hipag ang kaibigan nitong si Freda David. Tinulungan sya nitong makakuha ng tourist visa at makapasok bilang DH sa Singapore. Dahil napaso na ang kanyang visa at gusto pa nyang makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya lalo na sa pagpapagamot sa kanyang anak na may cancer, sumugal sya (naging TNT sya). Maayos naman ang kanyang trabaho subalit nabalitaan nyang lumalala na ang anak nya. “Ayoko mang umalis sa Singapore, subalit kelangan ako ng anak ko. Kelangan ko syang alagaan at makasama,†ani Analyn.
Marso 2010 nagbalik sya sa bansa at ika-4 ng Hulyo ng parehong taon namatay ang kanyang anak. Binalikan ni Analyn ang paglalabada at paghuhugas para buhayin ang pamilya. Sa kakarampot na kita nagbalak ulit syang lumabas ng bansa. Marso 2013 ipinakilala ng kanyang kapit-bahay ang kapatid nitong si Vanessa Tena. Ito ang nagdala sa kanya sa Rochart Global Resources Center, isang ahensyang nagre-recruit ng mga katulong patungong Gitnang Silangan.
Nung una ay maayos naman daw ang usapan nila Analyn at ng ahensya. Magiging DH daw siya sa Riyadh at kikita ng malaki. Pumirma agad sya ng kontrata dito. Ngunit ikinaÂgulat nya ng ipadala sya sa ASEAN, isa pang ahensyang sinasabing “sister company†ng Rochart. Sinabi din daw sa kanya na sa ASEAN sya pipirma ng kontrata dahil ito daw ang magpo-proseso ng kanyang papeles sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Dahil malaki ang tiwala nya sa ahensya, sinunod nya ang utos nito. Nag-aantay na lamang sya ng kanyang visa ngunit nagbago lahat ng plano nya nung nagka-problema sa pamilya. Dun naisipan nyang wag nang ituloy ang pangingibang bansa. Palibhasa nakapirma na ng kontrata, natakot na si Analyn na baka hindi na sya makapatras. Hanggang sa pinakilala sya ng kanyang kaibigan kay Grace Gomes ng Global Asia Consultant Agency. Ikwenento nya ang problema nya kay Grace at dito napag-alaman nyang may mali pala sa ahensyang pinasukan nya. Ayon kay Grace, mali-mali daw ang address na nakalagay sa kontrata. Nakalagay dito na sa Makati ang kanilang opisina ngunit nung nag-apply naman daw si Analyn ay sa Ermita. Bukod dito Ingles din daw ang sulat sa kontrata na kung tutuusin ay dapat Arabo. Dun na kiÂnabahan si Analyn at nagpasyang puntahan ang Rochart. Sinabi nya sa kanila na hindi na sya tutuloy mangibang bansa. Hiningi na rin nya ang kanyang passport pero sinabihan lang daw sya na hindi nya pwedeng kunin ito hangga’t hindi sya nakakapagbayad ng P3,000 para medical at 300$ para sa kontrata. Hindi nya alam kung saan kukuha ng ganung kalaking pera kaya nagtungo sya sa aming tanggapan upang humingi ng tulong na mabawi ang kanyang passport.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00 pm-4:00pm at Sabado 11:00 am-12nn) ang kwentong ito ni Analyn del Rosario. Bilang tulong, tinawagan namin si Deputy Director Reynaldo Esmerada ng National Bureau of Investigation (NBI) hepe ng Directorate for Intelligence. Hiniling namin sa kanya na matulungang mabawi ang passport nitong si Analyn. Pinapunta sya nito sa kanyang tanggapan nung susunod na araw para pasamahan at puntahan ang Rochart Global Resources Center at makuha ang kanyang passport.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ayon sa datos ng National Statistics Office (NSO), mahigit sa dalawang milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa. Dahil sa sakripisyo nila at mga pinadadala nilang pera sa kanilang pamilya na pumapasok sa ating ekonomiya, hindi natin gaanong nararamdaman ang hirap na dulot ng krises sa buong mundo (global crisis). Karamihan sa ating kababayan gustong makaalis agad kaya’t nahuhulog sila sa mga kamay ng mga manggagantsong illeÂgal recruiters. Kung saan ang perang kanilang pinag-ipunan, pinagpaguran at kung minsan ay inutang pa, mabilis na nakukuha sa kanilang mga kamay. Bago tayo magpakawala ng kahit isang sentimo ng ating pera, siguruhin muna na accredited at legal ang ating ahensyang pinapasukan. Wag magpasilaw sa kinang ng pangakong kayamanan na iyong matatamasa bilang Overseas Filipino Worker. Kelangan maging maingat at mapanuri din kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. (KINALAP NI MIG KAREN RAMIREZ)
Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari ka-yong magtext sa 09213263166 (Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected]
- Latest