^

Punto Mo

EDITORYAL -Pinagsalitaan pero pinigilan

Pang-masa

ISA sa mga lumalatay na salita ni President Noynoy Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ay ang patungkol sa Bureau of Customs. Mabigat ang kanyang mga binitiwan. Tao na lamang na walanghiya o walang hiya ang hindi tatablan sa kanyang mga sinabi. Makapal na lamang ang mukha kapag hindi nagbitiw. Sabi ng Presidente, “Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakunda­ngan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito?

Pagkaraan ng SONA, agad nagbigay ng resig­nation sa Presidente si Customs Commissioner Ruffy Biazon. Pero ang nakapagtataka, hindi ito tinanggap ng Presidente. Para ano pa at nagsalita nang mabi­bigat? Kinabukasan, dalawa pang opisyal ng Customs ang nagbitiw at tinanggap naman umano ng Presidente. Si Biazon, nananatili pa raw ang kumpiyansa ng Presidente.

Ilang mataas na opisyal na ng Aquino administration ang nagbitiw makaraang pagalitan ng Presidente. Unang sinermunan ang administrator ng National Irrigation Administration na si Antonio Nangel dahil sa mabagal na pagtapos ng mga proyektong patubig. Itinaon ang sermon sa anibersaryo ng NIA. Makalipas ang ilang araw, nag-resign si Nangel.

Sunod na sinermunan si Immigration Commissioner Ricardo David dahil sa pagtakas ng Korean fugitives at mga suspect sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega. Nagbitiw si David sa puwesto.

Lahat nang mga nagbitiw ay agad tinanggap ng Presidente. Wala nang tanung-tanong pa. Para sa kanya, hindi kailangan sa Gabinete ang walang naitutulong sa pag-unlad ng bansa. Hindi rin kailangan ang mga taong ayaw tumino.

Pero nakapagtataka na bakit pinigilan niya ang Customs commissioner. O baka naman sa sunod na pagsesermon niya rito ay baka mas mabigat at luma­latay. Pero kung kami sa Customs commissioner, hindi na namin hihintayin iyon at aalis na kami. Baka pa maakusahang “kapit-tuko”.

ANTONIO NANGEL

BUREAU OF CUSTOMS

CUSTOMS COMMISSIONER RUFFY BIAZON

DEPARTMENT OF FINANCE

DOC GERRY ORTEGA

IMMIGRATION COMMISSIONER RICARDO DAVID

PERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with