Sina Thomas, David at Cory

TAHIMIK at bihirang magsalita si Saint Thomas Aquinas noong estudyante pa lang siya sa University of Paris noong 13th century. Ang tingin tuloy sa kanya ng mga kaklase ay bobo. Ngunit sa paglipas ng maraming taon, ang tinawag na bobo ay kinikilala ngayon ng Simbahang Katoliko bilang “Greatest Theologian and Philosopher”. Itinuturing din siya ng Simbahang Katoliko na model teacher ng mga nag-aaral, maging pari. Huwag nang isama pa ang pagiging santo niya. Si St. Thomas ang patron ng mga estudyante.

Nang sabihin ng Diyos kay propeta Samuel na si David ang napili niyang maging hari ng Israel ay nagkaroon ng pag-aalinlangan si Samuel sa naging desisyon ng Diyos. Si David ay bata pa at isa lang taga-pastol ng tupa. Kakayanin kaya niyang pamunuan ang isang bansa? Itinuwid ng Diyos ang maling persepsyon ni Samuel kay David. Tiniyak ng Diyos  na si David ay magiging dakilang mandirigma at mabuting pinuno ng mga tao.

 Naaalala n’yo pa ba noong unang pumasok si Cory Aquino sa pulitika? Marami ang nag-alinlangan (lalo na ang mga kaaway sa pulitika) kung kakayanin ba niyang mamuno ng isang bansa? Bukod sa pagiging babae ay zero ang karanasan niya sa pulitika. Ngayon kalabisan nang isa-isahin pa ang naiwang pamana ni Mrs. Aquino sa sambayanang Pilipino.

Kaya sa susunod na matukso kayong  manlait ng tao dahil sa kanyang pisikal na “kakulangan”, alalahanin ninyo si St. Thomas Aquinas, King David at Cory Aquino. Ang kadakilaan ng isang tao ay hindi nakikita sa panlabas niyang anyo, nasa loob iyon ng kanyang puso.

 

Show comments