EDITORYAL - Bakit ni-rubout?

PINATAY talaga ang dalawang miyembro ng Ozamis robbery group na sina Ricky Cadavero at Wilson Panogalinga, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima. Labing-apat na pulis ang kinasuhan dahil sa rubout. Ayon kay Purisima, batay sa imbestigasyon, walan g naganap na shootout noong gabi na dalhin ng mga pulis Calabarzon ang dalawang gang member galing sa Camp Crame, Quezon City. Idinaan umano sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa ang dalawa at inilipat sa isang van. Dadalhin umano sa Calamba ang dalawa. Pagsapit umano sa isang lugar sa San Pedro, Laguna, isang SUV at isang kotse ang humarang sa daan at pinaputukan ang van. Sapol sina Cadavero at Panogalinga. Ayon sa witness, walang nangyaring barilan gaya ng sinabi ng mga pulis na dalawang motorsiklo ang humarang at nakipagbarilan. Nang-agaw daw ng baril sina Cada­vero sa escort kaya binaril ang mga ito.

Sa nangyaring rubout, pulis na naman ang nadidiin, maraming katanungang lumutang: Isa rito ay bakit ni-rubout ang dalawang gang member? Bakit ganoon na lamang kabilis ang pangyayari? Iniharap pa nila kay DILG secretary Mar Roxas sa Crame at makaraan ang ilang oras ay bangkay na ang mga ito. Maski si DOJ secretary Leila de Lima ay hindi makapaniwala sa nangyari. Mabuti na lang daw at hindi siya kaharap sa presscon nang iprisinta ang dalawang pusakal. Kung hindi nagmukha siyang tanga.

Noong nakaraang Enero 6, 2013, pinatay din ang 13 tao sa Atimonan, Quezon. Ayon sa mga pulis ay shootout pero nang imbestigahan, rubout pala. Agawan sa teritoryo ng jueteng ang dahilan ng rubout.

Sabi ni Roxas at De Lima, iimbestigahan ang rubout kina Cadavero at Panogalinga. Dapat lang para malaman ang dahilan ng rubout. Imposibleng walang mabigat na dahilan ang mga pulis kaya “pinatahimik” ang dalawang pusakal na magnanakaw.

Show comments