Lampong (349)

NAG-IISIP si Jinky kung maliligo gaya nang nakagawian na niya noon pa. Parang napaka-sarap maglunoy sa kristal na tubig ng sapa. Lalo pang naging malinis mula nang ayusin ni Dick ang pampang. Hindi na natitibag iyon.

Pero pinigil ni Jinky ang sarili na maligo. Naalala niya ang nangyari noong maligo siya at matiyempuhan ng dalawang la­senggo. Muntik na siyang magahasa ng dalawang lasenggo. Nagtatakbo siyang hubo’t hubad noon. Aabutan na siya at siguro ay naluray siya kung hindi siya nailigtas ni Dick na ang alyas pa noon ay Tanggol. Lumaban si Dick at natalo ang dalawang lasing. Nagtakbuhan ang mga manyakis. Iniligtas siya ng lalaki na magiging asawa pala niya sa dakong huli. Kaya lang, medyo nagbabago na ang kanilang pagsasama dahil sa isang bagay. Napabuntung­hininga si Jinky. Napakagat labi siya…

Ipinasya niyang huwag maligo. Delikado pa rin kahit na alam niyang bihira nang tao ang napapagawi sa sapa. May pagkakataon na maaaring may maligaw na tao rito. Sa kabila ng sapa ay mayroon nang ilang bahay na nakatayo. Nabili na yata ang lupang iyon ng isang mayaman mula sa Australia at balak taniman ng cacao.

Saka na lang siya maliligo. At isa pa, parang masama ang pakiramdam niya. Siguro’y epekto ng mga nangyayari sa kanila ni Dick. Napabuntunghininga muli si Jinky. Malalim. Pagkaraan ay napakagat labi. Nasanggi niya ang kanyang mga suso at lalo nang mayroon siyang naalala. Matagal na ring hindi nahahawakan ang kanyang mga suso. Napabuntunghininga muli si Jinky.

Ipinasya na niyang umalis­. Pero sa isang araw ay dadalaw uli siya rito. Napakagandang pagmasdan ng sapang kristal ang umaagos na tubig.

 

NANG mga sandaling iyon sa Maynila ay abala si Dick sa pakikipag-usap sa isang mayamang Tsinoy ukol sa “INASALITIK” na noon ay mayroon nang branch sa isang sikat na mall. Interesado ang Tsinoy sa negosyo.

“Magkano mo ipagbi­bili, Dick?  Kahit magkano.”

Nagtawa si Dick.

“Hindi ko ipinagbibili Mr. Chan. Nag-uumpisa pa lang ako.”

“Kahit magkano?”

“Saka na lang tayo mag-usap.”

(Itutuloy)

Show comments