Babae sa California, may psychic visions; Batang pinatay ng kapatid, nakita ang pinaglibingan

KUNG hindi sa tulong ng isang babae na may pambihirang kakayahan na makita sa kanyang isipan (psychic visions) ang batang nawawala, baka hindi pa nalulutas ang kaso.

Ang babae na hindi na nagpabanggit ng pangalan ang tumulong sa California police para makita ang kinaroroonan ng 11-anyos na batang lalaki. Ang masaklap, nakalibing na pala ito at ang may kagagawan ay ang kanyang nakatatandang half-brother.

Ayon sa mga pulis marami na silang nalutas na krimen sa tulong ng mga psychic. Hinuhulaan umano kung saan matatagpuan ang mga nawawalang biktima at totoo naman ang hula. Positibo ang resulta.

Pero sa kaso ng 11-anyos na batang lalaki, nahirapan sila kung paano ito malulutas. Wala silang lead kung saan maaaring matagpuan ang nawawalang bata.

Hanggang sa mag-alok ng tulong ang babae ukol sa nawawalang bata. May kakayahan umano siyang malaman ang kinaroroonan nito. Noong una ay nagkaroon ng pagdududa ang mga pulis sapagkat hindi kapani-paniwala ang kakayahan nito. Nakikita umano ng babae sa kanyang isip ang kinaroroonan ng bata. Hindi raw siya maaaring magkamali. Ang ibang psychic ay basta hinuhulaan kung nasaan ang nawawala. Ganunman, pumayag din ang mga pulis sa inaalok na tulong ng babaing may psychic visions.

Isinama sila ng babae sa mismong bahay ng bata. At sa pagtataka ng mga pulis, nagtungo ang babae sa isang punong­kahoy na nasa bakuran. Itinuro niya na nasa ilalim ng puno ang bata. Nakalibing ito roon.

Kahit nagdududa ang mga pulis, agad nilang hinukay ang palibot ng puno at gulat na gulat sila sa nakita. Naroon ang naaagnas na bangkay ng bata.

Sinabi ni Riverside County Sheriff’s Detective John Powers na binaril ang bata. Grabe raw umano ang tama ng bala sa katawan.

Ang nakagigimbal, ang half-brother ng bata ang criminal. Sinampahan ng kaso ang kapatid.

Malaki naman ang pasasalamat ng California police sa babaing may psychic visions sa pagkakalutas ng kaso.

Show comments