KAIBIGAN, nililinaw ko lang po na ang payo ko ngayon ay base sa aking pagsusuri at personal na ginagawa. Ito ang aking napag-aralan.
Una sa lahat, kapag ikaw ay malusog naman at masustansya ang kinakain, sa tingin ko ay puwede ka nang hindi uminom ng vitamins. Pero sa panahon ngayon, mas mabuti nang magsiguro at uminom na lang ng vitamin.
Bakit dapat uminom ng multivitamin?
1. Maraming nakakatakot na sakit ang naglalabasan sa ating paligid. May swine flu, epidemya, tuberculosis, trangkaso, perwisyong ubo, at marami pang iba. Para malabanan ang sakit, kailangan malakas ang resistensya ng katawan. Kumain ng tama, matulog ng 7-8 oras, magbawas sa stress at uminom ng multivitamin.
2. Kulang sa bitamina ang pagkain ng Pinoy. Karamihan sa atin ay matipid kung kumain. Isang ulam lang at 2 platong kanin para mabusog. Eh, anong sustansya ba ang mayroon iyan? Ang kailangan ng katawan mo ay sari-saring pagkain tulad ng 1 platong kanin, isang tasang gulay at konting isda o karne. Dagdagan mo pa ng isang saging o dalandan. Iyan ang kumpleto sa bitamina at pampalakas ng katawan.
3. Maraming stress sa ating buhay. Ang stress ay nakakaedad sa katawan. Kaya magandang uminom ng vitamin, lalo na ang may Vitamin B para malabanan ang stress. Tumutulong ang bitamina sa paghilom ng nasisirang selula sa ating katawan.
Anong vitamin ang iinumin?
Maraming klaseng multivitamin ang mabibili. Mayroong Centrum, Enervon-C, Clusivol at may generic na Multivitamin sa generics na botika. Ang halaga ng branded na vitamin ay mga P7-P10 bawat tableta, at ang generic naman ay mga P2 lang bawat tableta.
Ang pag-inom ng vitamin ay puwedeng hindi naman araw-araw. Kapag mahina ang pakiramdam, iinom ng isa. Kadalasan ay iinom din ako ng Omega-3 Fish Oil supplement, dahil mabisa at subok ito para sa ating puso, utak at katawan.
Good luck po.