Ang pinakaligtas na lugar

HIMALA! Ito ang biglang nausal ng pari nang bumungad sa kanya ang eksenang ito isang umaga ng Linggo—Punumpuno ang simbahan ng mga magsisimba gayong 15 minuto pa bago magsimula ang misa. Tatlong araw bago sumapit ang araw ng Linggo ay pinoproblema ng pari na kakaunti na ang nagsisimba sa kanyang parokya. Kaya naisipan niyang mamigay ng liham sa mga nasasakupan ng kanyang parokya kung saan nakasaad ang mga sumusunod:

Wala nang ligtas na lugar dito sa ating mundo. Alam n’yo ba...

1. Mga 20 percent ng aksidente ay nangyari habang ikaw ay nasa sasakyan.

2. Mga 17 percent ng ibang aksidente ay nangyayari sa mga sarili ninyong tahanan.

3. Samantalang mga 14 percent ay nangyayari habang ikaw ay naglalakad sa kalye.

4. Iwasang sumakay sa eroplano, barko at tren dahil 16 percent ng aksidente ay nagmumula sa mga nabanggit na transportasyon.

5. Mga 32 percent naman ay nangyayari sa mga ospital.

6. Ang natitirang one percent ay paghahatian pa ng mga lugar kagaya ng hotel, restaurant, park, mall at simbahan.

7. Kaya napakaliit na ng tsansang maaksidente ka sa simbahan.

8. Kung pipiliin mong mag-stay sa  motel, restaurant, park at mall, kakaila­nganin mong maglabas ng pera para ka mag-enjoy.

9. Sa simbahan, hindi pera ang ilalabas mo para mag-enjoy kundi puso at kaluluwa upang tanggapin si Hesus para sa buhay na walang hanggan.

10. Kaya simbahan lang ang pinakaligtas at pinakamatipid na lugar. Hindi lang katawan mo ang maliligtas, damay pati kaluluwa mo. O, di ba, mas ma­raming benefits kung magsisimba ka?

Show comments